Shabu

SHABU NILULUTO SA INDONESIA?

June 4, 2023 Anchit Masangcay 687 views

‘Pinapasok’ sa PH

SA Indonesia na umano niluluto ang shabu at ipinararating ito sa Pilipinas.

Ito ang ibinunyag ng isang mapagkakatiwalaang importante mula sa intelligence community kasabay ng pagsasabing muli na namang nagkalat sa merkado ang mga shabu at iba pang uri ng ipinagbabawal na gamot sa Pilipinas.

Nabatid na dahil sa ginawang ‘all out war against illegal drugs’ ng nakalipas na Duterte administration, nabuwag ang sinasabing lutuan ng shabu sa Pilipinas.

Lumipat umano ito sa Indonesia na isa na rin sa nagpaparating ng shabu sa bansa, bukod pa ang mga sindikatong mula naman sa China at Hongkong Triad.

Ang ginagamit umano na front ng sindikato para makapagpuslit ng shabu sa ‘Pinas ay ang mga pekeng sigarilyo mula sa Indonesia, gayundin ang iba pang produkto katulad ng bigas, asukal, kopra, nutmeg oil, softdrinks at kahit mga panabong na manok.

Kamakailan, dalawang magkakasunod na operasyon ang isinagawa ng Philippine Coast Guard (PCG) upang masamsam ang tone-toneladang smuggled na sigarilyo sa Dipolog City at Bgy. Taliac, Maasim, Sarangani.

Nagresulta ito sa pag-aresto sa dalawang Indonesian nationals.

Nabatid na isang personalidad mula sa bayan ng Tahuna, Indonesia ang nasa likod umano ng sindikato ng droga.

Ang ginagamit umano na front sa sindikato ay ang iba’t ibang hotel na pag-aari ng nasabing personalidad sa Tahuna at North Sulawesi.

Kasabwat umano sa sindikato ang kilalang hoodlum sa Indonesia na may kontrol ng illegal na aktibidades sa South Asia at Southeast Asia.

Kung pagbabatayan ang intelligence report na ipinadala ng Indonesian authorities sa counterpart nila sa Pilipinas, milyun-milyong piso na umano ang napalusot na kontrabando ng sindikato kada buwan. Tinataya itong IDR10 billion (IDR-Indonesian Rupiah money) o P37 million kada buwan. Sa smuggling pa lamang umano iyan ng sigarilyo at iba pang produkto —labas pa ang pinalulusot na shabu na bilyun-bilyong piso ang halaga kada tonelada.

Nangyayari umano ang pagpapalusot ng illegal na produkto sa Petty Port, Tinakareng, Marore Island at ipinadadaan ang barko papasok sa Pilipinas sa Saranggani Island at General Santos City.

Ang warehouse ng naturang sindikato ay nasa bayan din ng Tahuna na malapit lamang din sa dagat. Guwardiyado umano ito ng armadong kalalakihan.

Bukod dito, talamak din umano ang money laundering ng naturang sindikato hindi malamang nagagamit na rin front ang ini-invest ng sindikato sa Pilipinas.

Ang mga ulat na ito ay laman din sa Indonesian press at social media sa naturang bansa.

“The Philippine authorities and their counterparts from Indonesia need to hold bilateral talks and set up a joint-force operation in the maritime borders between Indonesia’s Marore Island in Sanguine Island and Mindanao in the Philippines,” rekomendasyon sa Pilipinas ng intelligence community sa Indonesia.

Pangunahing palusutan naman ng umano’y nilulutong shabu ang Tahuna Island sa North Sulawesi, Indonesia, at sa probinsiya ng Manado.

AUTHOR PROFILE