Default Thumbnail

Seryosong reporma? Si Gen. Eleazar yan!

January 3, 2022 Paul M. Gutierrez 434 views

PaulBAGO ang lahat, isa munang mainit na pagbati ng ligtas, mas masagana at mas makabuluhang Bagong Taon sa ating lahat! Harinawang higit na maging maginhawa ang pamumuhay natin ngayong ‘Year of the Water Tiger’ sa pamamagitan ng “gawa” at hindi “ngawa.”

Kumbaga, iwasan natin ang maging “tigreng papel” upang totoo tayong umansenso partikular sa panahon ngayon na malaki pa rin ang hamon sa ating lahat dahil pa rin sa pandemya.

At bilang pahabol, maingay na ‘Happy Birthday’ kay kasamang Bambi Purisima at higit sa lahat, dito sa ating kaibigan at inirerespetong lingkod-bayan, si TESDA Secretary Isidro Lapeña. Magpakape ka naman, hehehe!

***

Halos dalawang buwan na ngayon sapul magretiro sa serbisyo si PNP Chief, P/Gen. Guillermo Tolentino ‘Guillor’ Eleazar noong Nobyembre.

At sa aming “huntahan” sa ating programang ‘Meet the Press on Air’ sa Radyo Pilipinas noong Linggo, Enero 2, aber, nagulat naman tayo, kasamang Jun Mestica, nang malaman sa kanya na ang “pagkaalam” ng iba nating mga kababayan, “siya” pa rin ang ‘PNP Chief,’ ahahay!

At “ngayon” lang nila nalaman na tatakbo pala siyang senador, ahahay ulit!

Sa puntong ito, mga kabayan, hindi na tayo nagtataka.

Hindi naman kasi maitatanggi na bago pa man naitalagang PNP Chief si Gen. Guillor noong nakaraang Mayo 2021, siya na ang naging ‘poster boy’ ng isang matino, parehas at propesyunal na paglilingkod ng ating mga pulis.

Kumbaga, ang kanyang performance—bilang QCPD director, PRO4A director, NCRPO director, chief of the directorial staff, Task Force Covid Shield commander, DDO, etc., etc.,– ang naging “pantapal” sa mga naging “sablay” ng mga kasamahan niyang opisyal sa Camp Crame.

Eh, sa totoo lang, dear readers, ‘yung ibang journos at reporters, kaya ‘tempered’ ang mga banat nila sa PNP (at minsan nga ay wala) dahil “nahihiya” sila kay Gen. Guillor!

Ganyan kasi siya kagaling makisama sa media, mga kabayan, katangian na nakita rin naman natin sa mga katulad nina Gen. Dindo Espina at siyempre, Gen. Nicanor ‘NicBart’ Bartolome. Ang “kaibahan” nga lang, hindi naging PNP spokesman si Gen. Guillor katulad nina Gen. Dindo at Gen. NicBart. At kumusta na kaya itong dalawang kaibigan natin na ito?

***

Yes, dear readers, tatakbong senador sa 2022 elections si Gen. Eleazar at Dra. Minguita Padilla, sa ilalim ng Partido Reporma ni Sen. Ping Lacson.

At bagaman nga “bagito” sa pulitika si Gen. Eleazar, aba’y siksik, liglig at hitik naman siya sa karanasan sa kanyang higit na 3 dekada bilang kagawad at opisyal ng ating pambansang pulisya.

Natutuwa rin naman tayo na ang kanyang mga “ambag” at mga reporma ay ipinagpapatuloy ni PNP Chief Dionardo Carlos (na dati ring PNP spokesman), dahilan marahil kaya ang “akala” ng iba, si Gen. Eleazar pa rin ang “bosing” sa PNP, hehehe!

At dahil personal nating nakakausap si Gen. Eleazar, ‘impressed’ tayo sa kanyang “malalim” na pagtanaw sa mga problema ng ating bayan—kumpara sa ibang mga kandidato ngayon na sa totoo lang ay wala namang alam kundi ‘magpa-cute’ pero wala naman talagang alam.

Gusto nating maniwala na sa ngayon, reporma, seryosong reporma na sa ating umiiral na sistema ang gusto nating lahat. At kung ito na nga ang gusto natin, mga kabayan, abah, eh, unahing isulat sa balota ang pangalan ni Gen. Guillor, tama ba, kasamang Jan Sinocruz?

Public service:

Dapat sigurong umalis muna sa kanyang komportableng silya si DOH Secretary Francisco Duque at “magpasyal” sa mga provincial health centers, halimbawa sa Laguna, upang alamin kung “ano” ba talaga ang totoong nangyayari ‘on the ground.’

Ang sumbong kasi sa atin, Pang. Rody at Sen. Bong Go, “tinityani” or “tinitipid” ng mga taga-DOH sa Laguna ang mga hinihinging suplay ng mga health workers katulad ng mga PPEs at kahit mga heringgilya para sa bakuna. Halimbawa, ang kailangan nila ay 300 heringgilya, aba’y kalahati lang ang ibinibigay—pero sa “rekord” nila, 300, sus!

Sa sisteng ganito, paano epektibong malalabanan ang COVID-19 kung may ilang ‘entrepreneur’ sa hanay ng mga taga-DOH sa probinsiya, aber?

Ano bang ginagawa ninyo sa mga “isinubi” ninyong mga suplay, ibinebenta ba?

Aba’y huwag naman dahil hindi lang ‘yan mali at kasalanan, kasong kriminal yan, tama ba, Vaccine Czar, Gen. Carlito Galvez sir?

Abangan!

AUTHOR PROFILE