Default Thumbnail

Lagi lang nakaabang ang virus

January 3, 2022 Joey C. Papa 464 views

JoeyLuwag higpit, luwag higpit. Saan ba talaga tayo patungo?

Marami na namang trabahador ang mawawalan ng trabaho o bababa ang kita sa paghihigpit ngayon sa Alert level 3.

Parating na ang Kapaskuhan noong nakaraang taon at inaasahan nang lalabas ang mga tao upang magdiwang.

Nakita na ito ng mga awtoridad dahil bukod sa malaki ang ibinaba ng covid 19 cases sa bansa, papaparating na ang taon-taong Kapaskuhan.

Malakas ang hiling ng mga taong matagal na naka-lockdown sa mga tahanan at komunidad at ang pagluluwag ay tila pistang ipagbubunyi kahit mangutang pa ang mga pamilya dahil sa tuwa na tila lumaya sa matagal na pagkakakulong.

Ngunit kasabay ng pagbubunyi sa pagluluwag na ginawang alert level 2 na lamang ay tila naka-alert level 2 na rin ang virus o covid 19.

Tila masaya rin ang virus sa pagluluwag dahil marami silang mabibiktima sa mga taong sabik makipagsiksikan sa mga mall, sa Divisoria, sa mga malaking reunion, sa mga pagpunta sa mga beach at malalayong lugar na kailangang sumakay ng eroplano.

Ang mababang kaso ay nagsimulang tumaas muli nang matatapos na ang taong 2021.

Nagsimula nang nadagdagan ang dati’y mahigit isandaang kaso na lang ng covid. Tumaas na araw-araw hanggang naging mahigit na sa dalawang libo, tatlong libo, at apat na libo at patuloy pa.

Nitong Linggo ay ipinahayag na ang Alert level 3 mula Enero 3, hanggang Enero 15.

Balik na naman sa dati!

“Hindi naman essential ang pagpunta sa mall ah! Bakit pinayagan ang mga tao sa kulob na lugar? Di ba delikado ang mga air-condition na lugar? Mabilis ang hawahan dyan lalo na may Omicron varian na?” sabi ng isang ginang.

Hindi rin binantayang mabuti ang pagdagsa ng tao sa Divisoria at Quiapo. Sana kinontrol ang dagsa ng tao at pinairal ang health protocol.

Sabi nga ng isang kilala kong sastre, gusto na niyang lumipad dahil sa dami ng tao sa Divisoria! Hindi siya makaiwas sa banggaan ng katawan kahit na ang pupuntahan niyang bilihan ng tela ay halos dadalawa lang ang tao. Pero kailangan niyang makipagsiksikan sa kalsada upang makarating sa tindahan ng tela.

Ilang minuto lang pagkabayad sa tela ay halos patakbo siyang umalis ng tindahan at sumakay agad ng dyip patungong LRT station..

Kaya ito tayo ngayon, Bagong Taon pa lang, malungkot na naman ang mga manggagawa mawawalan ng trabaho. Itataas pa ang presyo ng gasolina at diesel! Ano na ang nagyayari sa Pilipinas? Kahit ang mga puro pangakong pulitiko na tumatakbo ngayon ay tila natutulala rin sa kawalan ng kumprehensibong pamamahala sa covid 19 response.

Inalagaan na sanang manatili ang bansa sa mababang covid cases. Subalit tila hindi matiis na ipagdiwang ng bongga ang Kapaskuhan na puwede namang maging simple at hindi mapanganib at hindi magbubuwis ng buhay ng marami.

Sabi ng mga eskperto, maaaring tumaas daw ang covid cases ng 10k! Eh di balik nga sa dati! ECQ na naman. Pupulutin na tayo niyan sa kangkungan!

Kailangang matuto na tayo. Ikalawang taon na natin ang karanasang ito sa pakikibaka sa covid 19. Hindi pa rin tayo natuto?

Tigilan na muna yang mga kapritso. ([email protected])

AUTHOR PROFILE