TV

Serbisyo muna

May 28, 2023 People's Tonight 149 views

NAKALULUNGKOT na merong mga on-duty na pulis na inuuna ang panonood ng telebisyon o paggamit ng cellular phones kesa asikasuhin ang mga taong nangangailangan ng tulong.

Ang mga taga-Philippine National Police (PNP) ay kailangang ibigay ang kanilang “full attention” sa mga kababayan nating humihingi ng tulong, mayaman man o mahirap, sa mga presinto.

Kaya tama lang ang direktiba ni Maj. Gen. Edgar Alan Okubo na alisin ang mga telebisyon set sa lobby at receiving areas ng lahat ng police stations sa Metropolitan Manila (MM) area.

Si Okubo ang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ang premier regional office ng pambansang pulisya na pinamumunuan ngayon ni Gen. Benjamin Casuga Acorda Jr.

Ang bagong policy ni Okubo, na ipatutupad sa lahat ng 45 police stations sa rehiyon, ay naglalayong mapaganda ang serbisyo ng PNP.

Inilabas ni Okubo ang order pagkatapos na “our discreet personnel entered (some) police stations to seek assistance from the desk officers…were made to wait.”

Ang mga desk officer na ito ay ayaw umanong maistorbo kasi nanonood sila ng mga paborito nilang TV program, ayon pa sa bagong hepe ng NCRPO.

Pero niliwanag ni Okubo na puwede namang maglagay ng TV set sa kusina o ibang lugar sa police headquarters huwag lang sa lobby at receiving areas.

Kagaya ng sinabi ni Heneral Okubo, nararapat lamang na pagsilbihang mabuti ang mga kababayan nating humihingi ng tulong ng “men and women in police uniform.”

Huwag ninyong kalimutan na taumbayan ang nagpapasuweldo sa lahat ng public servants, kasama ang mga opisyal at tauhan ng pambansang pulisya.

AUTHOR PROFILE