dead

SENIOR HIGH NAHULOG SA MALL, DEDO!

January 18, 2024 Melnie Ragasa-limena 161 views

PATAY ang isang Grade 12 senior high student matapos mahulog mula sa ikatlong palapag ng isang mall sa Quezon City nitong Miyerkules ng gabi.

Sa report ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) nangyari ang insidente dakong alas 7:08 ng gabi sa isang mall sa North Avenue, Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City.

Lumilitaw sa pagsisiyasat nina PSSg Rhic Roldan L Pittong at PCpl Benito Catungal, Jr., bigla na lamang nakarinig ng malakas na kalabog ang security guard ng mall hanggang sa makitang naliligo sa sariling dugo ang 19 anyos na biktima.

Agad na isinugod sa Veterans Memorial Medical Center ang biktima subalit idineklarang dead on arrival.

Natagpuan sa mga gamit ng biktima ang dalawang sulat na para sa kanyang ina at girlfriend.

Batay sa isang footage ng CCTV ng mall dakong alas 6:42 ng gabi ay nakitang naglalakad mag-isa ang biktima sa ika apat na palapag ng mall patungong Level 3.