Posas

Nang-nenok ng motorsiklo, tiklo

June 25, 2024 Edd Reyes 109 views

TIMBOG sa dragnet ng pulisya ang suspek sa pagnenenok sa motorsiklo ng isang ginang noong Martes sa Pateros.

Bandang alas-2:30 ng madaling araw isinagawa ng mga tauhan ng Pateros Police Aguho Sub-Station ang dragnet na nagresulta sa pagkakatimbog kay alyas Amorsolo, 32, sa Brgy. Martirez del 96 habang sakay pa ng ninenok na motorsiklo.

Sa ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen Leon Victor Rosete, tinangay umano ng suspek ang violet na Yamaha Mio (NA 44834) ni alyas Leodesita, 45, habang nakaparada sa tapat ng kanilang bahay.

Matapos magsumbong sa pulisya ang biktima, kumilos ang mga pulis hanggang sa ma-ispatan ang suspek sa T. Sulit St.

Sa halip na huminto ng parahin, pinaharurot ng suspek ang motor patungong Martirez del 96 kung saan siya nahuli.

Nabawi ng pulisya sa suspek ang tinangay na motorsiklo at isang balisong at ang master key sa pagtangay ng motorsiklo.

Mga kasong paglabag sa New Anti-Carnapping Act at illegal possession of bladed weapon ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa Pateros Municipal Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE