Edd Reyes

Estilo ng pamumuno ni Col. Ruben Lacuesta, hinangaan ng media

June 26, 2024 Edd Reyes 527 views

MAY kanya-kanyang estilo ng pamumuno ang mga natatalagang hepe ng pulisya ng isang lungsod at munisipalidad, kumporme sa taglay nilang abilidad at kakayanan.

Lahat ng mga natatalagang chief of police, lalu na dito sa Metro Manila, ay ginagawa lahat ng kanilang makakaya upang mapanatili ang katahimikah at kaayusan sa kanilang nasasakupan at magkaloob ng wastong serbisyo at proteksiyon sa mamamayan.

Marami sa kanila ang bukas ang tanggapan at linya ng telepono sa mga mamamahayag na nagtatanong ng balita at kaganapan na maipapaabot sa kaalaman ng publiko.

Isa na rito si dating Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta na namuno ng halos dalawang taon sa lungsod na bihira sa ilang mga naging dating hepe ng pulisya ng Caloocan, bago siya napalitan nito lamang Hunyo 19.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, pinarangalan ang Caloocan police bilang Most Number of Arrested Persons, Most Number of Confiscated Firearms at Best in Anti-Illegal Gambling Operations noong nakaraang taon ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Pinarangalan din ng NCRPO at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bilang Best Police Station ang Caloocan dahil sa masigasig na kampanya laban sa ilegal na droga.

Ang kagandahan sa pamumuno ni Col. Lacuesta, laging bukas ang linya ng kanyang telepono sa mga mamamahayag na humihingi ng spot report sa alinmang kaganapan maging sa nangyayaring insidente ng pamamaril at iba pang karahasan.

Bihira ang pagkakataong makiusap siya sa mga mamamahayag na huwag munang isapubliko ang insidente dahil may follow-up operation pa na kauna-unawa naman talaga.

Sana, maging bukas din ang linya ng telepono ng humalili kay Col. Lacuesta dahil hindi maiaalis na maikumpara siya sa hinalinhan kung magiging maramot sa pagbibigay ng impormasyon.

Navotas City, tumanggap muli ng unmodified opinion

ANG Navotas City pala ang kauna-unahang lungsod sa Metro Manila na nakatanggap ng siyam na taong sunod-sunod na “unmodified opinion” mula sa Commission on Audit (COA)

Nangangahulugan na ang Navotas City, sa pamumuno ni Mayor John Rey Tiangco, ay tumatalima sa wastong panuntunan ng pagtutuos at nagiging tapat sa pagsusumite ng kanilang financial statement.

Ayon kay Mayor Tiangco, una silang nakatanggap ng unmodified opinion mula sa COA noong taong 2016, at mula noon ay napanatili ang taon-taong pagtanggap nito.

Dalawang guro, kabilang sa mga bagong scholar ng Navotas

Kabilang pala ang dalawang pampublikong guro sa mga bagong scholar sa ilalim ng NavotaAs Academic Scholarship Program para sa taong 2024-2025, bukod pa sa 26 na benepisyaro na kinabibilangan ng 15 high school freshmen, at 11 college freshmen.

Sinabi ni Mayor John Rey Tiangco na suportado nila, sa ilalim ng prograia, ang mga estudyante at guro na nagsisikap na maabot ang pangarap sa magandang kinabukasan.

Ayon kay Mayor Tiangco, tatanggap ang mga high school scholar ng P18,000 para transportation, food allowance at aklat, P22,000 sa mga nasa Navotas Polytechnic College habang P262,000 sa nga merit scholars na makakapasok sa anumang kolehiyo o unibersidad sa Metro Manila, habang P75,000 naman sa mga guro.

Pinayuhan ng alkalde ang mga high school scholars na panatilihing mapabilang sa top 10 sa klase, top 25 naman sa senior high graduating class habang top 10 sa mga merit scholars.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE