Default Thumbnail

Senior citizen, inararo ng fire truck, patay

October 16, 2022 Edd Reyes 278 views

PATAY ang isang senior citizen habang sugatan ang dalawang babae nang araruhin ng isang fire truck ang mga taong nasa labas ng kalye habang may nagaganap na sunog Sabado ng gabi sa Makati City.

Isinugod pa sa pinakamalapit na pagamutan ang biktimang si Florencio Balaoing, Jr, residente ng Bilibid Viejo, subalit nasawi rin habang nilalapatan ng lunas sanhi ng matinding pinsala sa katawan makaraang mapailalim sa trak ng bumbero ng Brgy. Poblacion na nagresponde sa nagaganap na sunog.

Malubha namang nasugatan sina Rita Roxas at Reline Asuelo, kapuwa nasa hustong edad, matapos magkaroon ng bali ng buto sa katawan nang mahagip ng fire truck habang sumuko naman sa pulisya ang driver nito na nakilala sa pangalang John Polinar Orbeta.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na nagresponde sa sunog ang fire truck at ipinarada ito ni Orbeta sa pababang bahagi ng kalsada ay nilagyan umano ng kalso ang gulong bago siya bumaba para kuhanin ang hose na kanilang dala.

Gayunman, hindi umano kinaya ng trak ang nakalagay na kalso at dumausdos sa pababang bahagi ng kalsada hanggang araruhin ang mga taong tumutulong sa pag-apula ng sunog.

Kasong reckless imprudence resulting in homicide and multiple physical injuries ang isasampa ng pulisya laban kay Orbeta sa Makati City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE