Crime

Senglot naghamon ng away, binaril, tigok

October 23, 2023 Melnie Ragasa-limena 163 views

TODAS ang isang lasing na lasing na parking attendant nang barilin ng dalawang beses ng tumakas na suspek matapos maghamon ng away sa Quezon City noong Linggo.

Dead-on-arrival sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang biktimang si Ronnie Ali, alyas Muslim, 55, at tumakas naman ang suspek sakay ng motorsiklo.

Batay sa salaysay ng saksing si Bernardo Ong, nangyari ang krimen dakong alas 8:50 ng gabi sa harap ng Maong’s Ihaw Ihaw sa 22 Scout Ybardolaza St., Brgy. Sacred Heart, Quezon City.

Ayon kay Ong, nakita niya ang biktima na lasing na lasing at naghahamon sa mga dumaraan at sinasabing “sinong siga dito?”

Nang nilapitan ni Ali ang suspek habang mayhawak na patalim, umatras ang suspek at mabilis na binunot ang baril sa kanyang bag at binaril ng dalawang beses ang biktima.