Trak Source: Facebook post ni. Jhunalee Bucad

Trak nahulog sa bangin, 5 tigok

June 24, 2024 Zaida I. Delos Reyes 170 views

LIMA ang patay habang 16 na iba pa ang nasugatan matapos mahulog sa bangin ang sinasakyang Elf truck nitong Linggo sa Talaingod, Davao del Norte.

Tatlo sa limang nasawi ang menor de edad at pawang mga idineklarang dead on arrival sa Kapalong District Hospital.

Siyam naman sa nasugatan ang nagtamo ng minor injuries at pito ang may malalang sugat sa katawan.

Batay sa ulat ng Police Regional Office XI, naganap ang aksidente dakong 9:00 ng umaga sa Upper Mesolong, Barangay Sto Nino, Talaingod, Davao del Norte.

Lulan ang mga biktima ng pulang Elf truck patungo sa isang beach sa Pindasan, Mabini, Davao De Oro para sa isang outing nang maganap ang aksidente.

Habang binabaybay ang kalsada ay nawalan ng kontrol ang driver sa manibela pagsapit sa palikong bahagi ng daan dahilan upang mahulog ito sa bangin.

Karamihan sa mga biktima ay nagtamo ng malubhang sugat sa katawan dahil sa pagkakaipit sa sasakyan.

Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon sa insidente.