Santiago Iniharap ni NBI Director Jaime Santiago ang naarestong suspek sa isang press conference. Kuha ni JonJon Reyes

Gardenia na hack, bill sa gas umabot ng P14M; suspek tiklo

June 24, 2024 Jonjon Reyes 247 views

ARESTADO ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki dahil sa unauthorized access sa Shell Fleet Hub account ng Gardenia kaya umabot ang bill ng kompanya sa gas at diesel sa P14,475,556.26.

Nagreklamo ang Gardenia Bakeries Philippines ng Economic Sabotage, Illegal Access at Computer-Related Fraud laban sa inaresto.

Ayon kay NBI Director Judge Jaime Santiago, natuklasan ng Gardenia na nagkaroon ng illegal access sa account nila maliban sa kanilang opisyal na IP.

Ang ilegal na pag-access humantong sa malisyosong paglikha ng ilang Shell Fleet Hub account sa ilalim ng mga hindi awtorisadong pangalan.

Sa nakalap na mga ebidensya at pahayag mula sa mga testigo, natukoy na si Mr. Gurdeepo, alyas Gary, at iba pang occupants sa #22 Ausmolo Cmpd., Ilaya St., Buting, Pasig City ang target na personalidad.

Noong Hunyo 20, 2024, sa bisa ng Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD), tumuloy ang mga operatiba ng NBI-Counter Intelligence Division (NBI-CID) at NBI-Cybercrime Division (NBI-CCD) sa target na lugar.

Doon natuklasan ng mga operatiba ang ilang mga electronic devices at nakuha rin ang tatlong ID na tila huwad at tila ginamit sa mga transaksyon.

Nakadiskubre din ang NBI ang drug paraphernalia sa loob ng kuwarto ni Gurdeepo Singh Evora Parmar.

Sa eksaminasyon ng NBI-Fieensic Chemistry Division (NBI-FCD), postibo ang improvised tooters sa methamphetamine.

Iniharap kay NBI Director Jaime Santiago si Parmar sa Pasig City Prosecutor’s Office para sa paglabag sa Section 12 at 15 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at Article 172 (Falsification by Private Individual and Use of Falsified Documents) ng Revised Penal Code.

Ayon sa NBI, ang mga resulta ng pagsusuri makikita sa panghuling ulat ng forensic at dapat gamitin bilang pangunahing ebidensya para sa direktang paghahain ng computer-related fraud cases laban sa suspek.

AUTHOR PROFILE