Ruru

Sen. Robin, parang hindi tao — Ruru 

May 13, 2023 Ian F. Fariñas 278 views

PAREHONG excited sina Yassi Pressman at Ruru Madrid na mapiling magbida sa Video City, ang kauna-unahan nilang pagtatambal sa movie para sa collab ng Viva Films at GMA Pictures.

Inspired ang rom-com ng video rental shop ng Viva noong ‘90s. Ang istorya ay tungkol sa aspiring filmmaker na babalik sa panahong ‘yon at maiinlab sa isang aspiring actress.

Sa mediacon ng Video City, inamin nina Ruru at Yassi na pareho nilang inabutan ang Video City at maging sila ay nakaranas na ring mag-renta ng tapes du’n noon.

Paborito raw ni Ruru ang mga pelikula ni Robin Padilla habang si Yassi naman ay drama movies ang bet tulad ng Saan Nagtatago ang Pag-ibig? nina Vilma Santos at Tonton Gutierrez.

Kung meron nga raw gustong i-remake si Ruru na Robin movie, ito ay ang Maging Sino Ka Man o Baby Ama.

“Favorite ko rin po ‘yon. Lahat po ng Robin Padilla movies sobrang ilang beses ko pong pinapanood,” kwento ni Ruru.

Lagi nga raw nababanggit kay Kylie Padilla, anak ni Robin, ang tungkol sa pagiging fan niya ng ama nito.

“Pero the first time na nakita ko po si Robin Padilla, si Sen. Robin Padilla, eh talagang hindi po ako nakagalaw sa kinatatayuan ko. Natulala ako parang ‘yung pakiramdam na kahit tao siya, pakiramdam ko hindi siya tao. Ganu’n ako na-starstruck sa kanya,” dagdag pa ni Ruru.

Anyway, malapit nang simulan ang shooting ng Video City sa ilalim ng direksyon ni Rayniel Brizuela.

Kasama rin sa cast sina TJ Valderama, Chad Kinis, Suzette Ranillo, Soliman Cruz, Anjo Yllana, Bodjie Pascua, Yvette Sanchez, atbp.

AUTHOR PROFILE