Default Thumbnail

Selebrasyon ng buhay

September 26, 2022 Allan L. Encarnacion 402 views

Allan EncarnacionNAGSAWA na rin siguro ako sa mga malalaking okasyon.

Magmula noong high school ako, parang super adrenaline ko ang pagkakaroon ng mga okasyong halos hindi ka magkamayaw sa pag-aasikaso ng maraming bisita.

Hindi nawawala ang aking mga kaibibigan, mga kapitbahay, mga paboritong teachers at mga kamag-anak sa tuwing sumasapit ang aking kaarawan. Nasanay siguro ako na kahit paano may maliit na okasyon tuwing bday ko kasi natapat sa suweldo ang aking kapanganakan. October 15 ba naman kaya ang pinakamaliit na handaan ay iyong may ice cream at pansit man lang sa araw na yan.

Nabitbit ko iyon mula high school hanggang college. Pinaghahandaan kahit paano ang aking kaarawan. Nang magsimula na ang career, mas lalong nagkaroon ng significant ang petsa ng aking birthday. Halos taon-taon, parang natubigang palaka ang aming mga kasama sa bahay at mga kamag-anak sa paghahanda.

Kalaunan, unti-unti ko nang niliitan ang okasyon ng aking birthday bagama’t hindi nawawala iyong morning mass kahit ako lang mag-isa kung hindi makakasama ang aking pamilya. Ang pinakahuling big bash ay iyong 50th bday ko five years ago dahil lang sa kakukulit ng misis ko. Kung ako mismo, nawalan na akong ng appetite sa malaking okasyon.

Kaya iyong mga succeeding bday ko matapos ang 50th, kami na lang mag-anak ang kumakain sa isang lamesa. Kung may makaalang kaibigan na mang-uurot, nagkakaroon ng super liit na piging minus big bash event.

Ganoon na rin ang nangyari sa aking mag-anak, ayaw na rin nila ng mga malalaking okasyon. Noong huling kaarawan ng aming bunsong si Deivid, mas gusto niyang tumulong na lamang sa mas nangangailangan kaysa maghanda. Kaya iyong pandemic birthday niya ng 2020, namili na lang kami ng mga bigas at canned goods para ibigay sa mga nawalan ng kitang jeepney drivers sa Tandang Sora, Quezon City.

Nitong September 25, bday naman ng aking kabiyak. Hindi naman talaga siya mahilig sa malakasang birthday mula’t mula. Ang una at huli niyang malaking okasyon ay noong mag-50th bday din siya na wala siyang kaalam-alam na pinaghanda ko siya.

Nagamit ko pa nga si Senador Bong Revilla sa gimik ko na iyon dahil magka-birth date sila. Happy bday pala, Senador Bong! Pinalabas kong imbitado kami sa kaarawan ni Bong kaya matinding surpresa ang kanyang inabot sa pagdalo sa birthday celebration niya nang wala siyang kaalam-alam.

Higit naman talaga sa kainan, inumang okasyon, ang paghahanda ay isang thanksgiving para sa iyong kaarawan kaya wala namang masamang paghandaan kung kaya rin lang naman. Biyaya naman talagang dapat ipagpasalamat sa Panginoon ang bawat taon na lumilipas sa atin.

Ang mabigat lang talaga, iyong iba, kailangan pang mangutang para makagawa ng okasyon sa kanilang kaarawan. Iyon ay hindi naman tama. Makapagsimba ka lang or makapagpasalamat sa Diyos sa iyong kaarawan ay sapat-sapat kahit walang malaking gastos.

Ang kaarawan ay selebrasyon ng ating buhay at biyaya na mahalagang ipagpasalamat, may pera ka man o wala. Ang importante ay ipagpasalamat ang anumang malaliit o malaking biyayang dumarating sa atin taun-taon.

[email protected]