Crime

School principal patay sa pananambang

January 23, 2024 Zaida I. Delos Reyes 180 views

PATAY ang principal ng isang pampublikong paaralan matapos tambangan ng hindi pa nakikilalang suspects nitong Lunes sa Barangay Manungkaling, Mamasapano, Maguindanao del Sur.

Nakilala ang biktima na si Mamadatu Dalandas, principal ng Datu Tecson Elementary School na matatagpuan sa Sultan sa Barongis.

Batay sa ulat ng Mamasapano Police Station, naganap ang insidente sa isang bahagi ng highway sa Barangay Manungkaling sa nasabing lalawigan.

Minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo patungo sa paaralan nang paulanan siya ng bala ng mga armadong suspects.

Si Dalandas ang ikalawang school official na nasawi sa pananambang sa loob lamang ng dalawang buwan sa lugar.

Unang napatay sa ambush ang school principal na si Hermielex Kapusan ng Tukanakuden Elementary School sa Barangay Tukanakuden sa Sultan sa Barongis.

Lulan din ng kanyang motorsiklo ang biktima pauwi sana sa kanilang bahay sa Lambayong, Sultan Kudarat ng tambangan ng mga salarin.

Sa ngayon, iniutos na ni Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region Director Brig. Gen. Allan Nobleza na tutukan ang pag-iimbestiga sa kaso.