Scholarship sa foreign universities

July 12, 2021 Marlon Purification 243 views

Marlon PurificationSA GITNA ng paghanga at paniniwala sa kakayahan ng mga estudyante sa bansa, isusulong ni Senador Sonny Angara ang panukala na magbibigay ng scholarship sa mga deserving students para makapag-aral sa mga foreign university.

Plano ng senador na palawakin ang saklaw ng Senate Bill 961 o ang proposed Pensionado Act na una na niyang inihain sa 18th Congress noong 2019, para sakupin na rin ang high school graduates.

“Marami tayo na mga estudyanteng magagaling at matalino na may pagkakataon na ipagpatuloy ang kanilang edukasyon sa ilang prestihiyoso na unibersidad sa ibang bansa. Subalit dahil sa sobrang taas ng halagang pera na kailangan para dito ay mas marami ang napipilitan na ibaon na lang sa limot ang oportunidad na ito,” saad ni Angara.

“I had the good fortune of studying abroad through the support of my parents. But not everyone is as fortunate and this is how the Pensionado Act can help deserving students in fulfilling their aspirations,” dagdag ng senador.

Bukod sa karanasan bilang independent, naniniwala si Angara na mas marami pang kaalamang makukuha ang isang estudyante na mabibigyan ng pagkakataong makapag-aral sa ibayong dagat partikular sa Mathematics at Science.

“Once they have earned their degrees, these scholars can bring back home what they have learned and use these for our benefit in a form of knowledge transfer,” diin ni Angara.

Sa ilalim ng proposed Pensionado Act, mandato ng gobyerno na suportahan ang outstanding college graduates na nais makapag-aral sa abroad.

Babalangkas ng Pensionado Program sa ilalim ng Commission on Higher Education na sasaklaw sa scholarships at training grants para sa advanced studies sa international centers of advanced learning, scholarship at research.

Bubuo rin ng national secretariat na mangangasiwa ng mga negosasyon para sa mga sponsors ng fellowships, scholarships at grants, upang magtuloy-tuloy ang tulong sa scholars.

Alinsunod sa panukala, pipili ng 24 scholars taun-taon ang CHEd, katuwang ang National Economic and Development Authority (NEDA).

Tatagal ang scholarship sa loob ng tatlong taon.

Upang maging kwalipikado sa programa, ang aplikante ay isang Filipino citizen, gainfully employed; isang college degree graduate with honors; may leadership at exceptional performance; seryoso sa marami pang trainings; at handang lumagda sa kontrata para sa panibagong trabaho depende sa kanilang kapasidad.

Kasama sa tulong ang three years leave with pay, kasama na ang allowances at iba pang benepisyo; round-trip air fare at iba pang gastusin sa foreign travel; clothing allowance; monthly stipend; books/instructional materials/research allowance; at health, travel at insurance fees.

Sa mga incoming college students, sinabi ni Angara na sakop ng program ang pag-aaral sa kursong kukunin nito kasama na ang board and lodging.

“The cost can be shared by the foreign government, institution or organization and the national government. We shouldn’t see this as an additional expense but rather an investment on our youth,” paliwanag ni Angara.

Pasok din sa panukala ang exchange program at collaborative research ng mga local and international scientists at scholars sa priority areas ng research and development.

Kung aarangkada ang mga ganitong uri ng batas ay nakatitiyak tayo na mas maraming Pinoy ang hahangaring makapagdagdag kaalaman at magtagumpay hindi lamang dito sa ating bansa kundi maging sa ibayong dagat.