Default Thumbnail

Sanggol ‘na-shoot’ sa balon, patay

August 28, 2023 People's Tonight 292 views

NAKALUTANG at wala ng buhay nang makita ang isang sanggol sa isang balon nitong Sabado, Agosto 26, sa Tanza, Cavite.

Kinilala ang 11-buwang-gulang na sanggol na babae na si Sarah Mae. Siya’y pinaniniwalaang nalunod matapos mahulog sa balon.

Ayon sa ulat, bandang ika-11 ng umaga nang natagpuan ang bangkay ng biktima na nakalutang sa isang balon sa Barangay Tres Cruses sa Tanza.

Sandali umanong iniwan sa kanilang tahanan ang sanggol ng ina na kinilalang si Mergielyn Peregrino at ang isa pang anak na limang taong gulang dahil may bibilhin sa kalapit na tindahan.

Ngunit naiwan umanong mag-isa ang sanggol sa bahay dahil sumunod ang limang taong gulang niyang anak sa kaniya sa labas.

Pagbalik ni Mergielyn sa kanilang bahay, wala siyang nadatnang 11-buwang-gulang na anak kaya’t dali-dali niya itong hinanap at natagpuan na lamang ang katawan ng walang buhay niyang sanggol na lumulutang sa balong malapit din sa kanilang bahay.

Isinailalim na sa autopsy ang bangkay ng sanggol at iniimbestigahan din ng kapulisan kung paanong nakagapang patungo sa balon ang biktima, dahilan para ito’y mahulog doon.

AUTHOR PROFILE