Default Thumbnail

‘Salisi Gang’ na tumangay sa bag ng estudyante, huli sa Makati

January 23, 2023 Edd Reyes 221 views

ARESTADO ang dalawang miyembro ng “Salisi Gang” na tumangay sa bag ng babaeng estudyante sa loob ng isang restaurant, Linggo ng gabi sa Makati City.

Nabawi ng mga security personnel ng Glorietta 2 Mall, Ayala Center, ang tinangay na bag ng biktima na naglalaman ng mga personal niyang gamit, salapi at school ID sa dalawang naarestong suspek, kapwa 22-taong gulang.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Makati Police Chief P/Col. Edward Cutiyog, nagtungo ang biktima, kasama ang kanyang kasintahan, sa Tenya Restaurant sa Glorietta 2 Mall dakong alas-10:30 ng gabi upang kumain, dala ang isang pet stroller.

Bago kumain, isinabit ng dalaga sa dala nilang stroller ang kanyang leather bag subalit ilang saglit lang ay napuna niyang nawawala na ito kaya’t humingi sila ng tulong sa security personnel ng naturang mall.

Kaagad namang sinuri ng mga security personnel ang kuha ng nakakabit na CCTV (closed-circuit television) camera at nang makita sa footage ang pananalisi ng mga suspek, kaagad na ipinabatid sa mga nagkalat na guwardya para hanapin ang dalawa.

Hindi naman sila nabigo dahil natunton kaagad ang mga suspek sa loob ng kilalang tindahan ng sapatos sa Glorietta 3 Mall na bitbit pa rin diumano ang tinangay na bag ng biktima.

Dinala ng mga security personnel ang mga suspek sa Ayala Police Sub-Station upang doon i-turn over, pati na ang nakuhang ebidensiya, para sa paghahain ng kaukulang kaso.

AUTHOR PROFILE