Default Thumbnail

Salamat sa BoC-NAIA at DHL

September 18, 2022 Vic Reyes 341 views

Vic ReyesISANG magandang balita sa mga waterfront stakeholder na nagbabayad ng duties at taxes through Security Bank, Landbank, Asia United Bank at Metropolitan Bank and Trust Co.

Simula kasi sa Oktubre 1, Sabado, ay mapapabilis na ang inyong pagbabayad ng duties at taxes sa apat na piling bangkong ito, ayon sa Bureau of Customs (BoC).

“The BoC will be fully implementing the Philippine Clearing House Corporation (PCHC) Payment Application Secure System Version 6.0 (PASS 6) in its E2M System,” ayon sa report.

Sa implementasyon ng PASS 6, 24/7 na ang processing ng payments para sa mga stakeholder na nagta-transact ng negosyo sa mga nasabing bangko.

“The BoC E2M System that enables stakeholders to access the services of the BOPC, anywhere and anytime, will be integrated with the PASS 6 for efficient payment facilitation,” ayon pa sa report.

Ang “round-the-clock” na serbisyo ay puwede pang ma-access ng stakeholders “from the comfort of their homes.”

Samantala, nangako naman si Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz na bibilisan pa ang digitalization ng customs services.

Ang modernization program ng ahensiya ay naka-aligned sa eight-point socio-economic agenda ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Malaking bagay talaga ang programang modernisasyon ng BoC para mapabilis ang transaksiyon sa aduana at tataas ang revenue collection nina Commissioner Ruiz.
Tiyak ‘yon!

***

Inaasahang bibilis pa ang paglabas ng mga kargamento sa mga darating na araw.

Bilang paghahanda sa pagdagsa ng inbound parcels/packages habang papalapit ang Pasko ay nakikipag-pulong ang mga opisyal ng BoC-NAIA sa mga operator ng Customs Facility and Warehouse (CFW).

Noong September 13, Martes, ay nakipag-pulong si BoC-NAIA District Collector Carmelita “Mimel” S. Manahan-Talusan sa mga opisyal ng DHL Express Philippines.

Pinag-usapan nila ang mga dapat gawin para sa “expeditious release” ng high volumes of small parcels during the “ber” months of September, October, November at December.

Ayon sa mga opisyal ng DHL, magdadagdag sila ng mga tauhan at patuloy na makikipag-coordinate sa BoC-NAIA para mapabilis ang release ng “gift imports.”

Sinabi naman ni Ms. Talusan, anak ni dating BoC Depcom Julie Singson-Manahan, na meron na silang pro-active measures “to address anticipated issues and concerns.”

Kasama na rito ang implementasyon ng “extended working hours, 24/7 x-ray examinations, regular K9 sweeping, and expedited clearances to avoid delays.”

Ang mga opisyal ng DHL na nakipag-pulong kay Collector Talusan ay sina DHL Express Philippines Country Manager Nigel Lockett, head of operations Promod George at Customs Clearance Manager Cecilia Paras.

Marami ang nagpapasalamat, kasama na ang mga kaanak ng ating mga overseas Filipino workers, sa mga opisyal ng BoC at DHL sa maaga nilang pag-aksyon.

Alam kasi nilang maaga ring magpapadala ng pamasko ang kani-kilang mga kamag-anak na nagtatrabaho o nakatira sa labas ng bansa.

***

Mabuti naman at mismong ang World Health Organization (WHO) ang nagsabing malapit na ang pagtatapos ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Sa Pilipinas, nakakatuwang malaman na hindi naman nagkaroon ng upsurge ng COVID-19 cases kahit ng magluwag na tayo ng husto sa mga health protocol.

Pero kita pa rin sa mga tao na marami pa ang sumusunod sa pagsusuot ng face mask, social distancing policy at regular na paghuhugas ng kamay.

Alam kasi nila na wala namang masama kung susunod sila sa mga protocol dahil nandiyan pa naman ang nakakamatay na virus na galing Tsina.

At sana, tuloy pa rin ang vaccination program ng gobyerno dahil ito ang naging susi para makontrol natin ang pagkalat ng virus.

Ubos ang pera ni Juan dela Cruz dahil sa laki ng gastos ng gobyerno para labanan ang sakit na ito, pero nagbunga naman ng magandang resulta ang ginawa ng mga otoridad.

Ang kailangan lang natin ay huwag tayong maging kampante kahit na nakikita na ng WHO ang katapusan ng pandemya.

Dapat lang!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE