Default Thumbnail

Sablay ang no contact apprehension

August 12, 2022 Allan L. Encarnacion 421 views

Allan EncarnacionANG problema ng no contact apprehension policy (NCAP) dito sa atin hindi katulad ng nasa ibang bansa, lalo na sa Amerika.

Noong mga unang buwan ng taon, napadalhan ako ng letter of traffic violation galing sa Manila Traffic Bureau. March 18, 2022 ang petsa na may kalakip pang larawan ng aking puting na Isuzu Alterra.

Nang tingnan ko ang aking skedyul, hindi pala ako ang driver. Iba ang nagmamaneho pero sa akin nga nakarehistro ang sasakyan. Iyon ang araw na may inutusan ako sa Maynila.

Tiningnan ko ang picture, hindi ko maunawaan ang kung ano ang violation ng driver na nakahinto naman sa Maria Orosa dahil stop at wala rin naman siyang guhit na natungtungan. Pati iyong traffic flow tama naman at hindi rin siya naka-overlap sa guhit patawid.

Ang penalty na pinababayaran sa akin ay P2,000.

Makalipas lang ang ilang buwan, naibenta ko na iyong Alterra sa aking kaibigan. Nang irehistro niya ang sasakyan, umabot sa P17,000 ang kanyang binayaran. Ibig sabihin, pumasok na doon ang penalty at interest sa Manila traffic violation. Pero ako pa rin may ari ng sasakyan noong time na mahuli sa NCAP kaya binayaran ko ang P17K.

Ngayon ang tanong, bakit may penalty ang ilusyon na violation? Ito iyong sinasabi natin na kaibahan sa US ng no contact apprehension.

Una, mukhang studio photographer ang mga nakatao sa camera sa NCAP (no contact apprehension policy) dahil marami tayong nakikitang hindi accurate ang kanilang mga kuha sa paglabag sa batas trapiko.

Iyong mga kuha nila at ipinadadalang picture of violation ay madalas hindi mo makitang may paglabag kaya magmumulta ka sa ayaw at sa gusto puwera pa interest sa delayed payment.

Sa Amerika or sa ibang bansa na may ganitong sistema, hindi ka talaga makakaangal dahil kitang-kita ang violation sa picture pa lang.

Sa tingin natin, ang NCAP ay ipatupad lamang sa mga kita mo agad sa iyong naked eye ang violation. Halimbawa, doon sa mga no entry, sa one way, sa intersection na may yellow box, sa mga main road na may pedestrian lanes, sa mga strictly no overtaking at sa iba pang induspitable angle ng paglabag.

Ang mabigat dito, bago mo kuwestiyunin ang picture of violation, kailangan mo munang bayaran at maghabol ka sa tambol mayor kung kailan ka ma-refund at kung kailan mo papatunayan na mali ang hatol nila sa iyong violation.

Ang susunod na problema rito, ngayong naibenta na ang aking Alterra, iyong mga susunod na violation ng driver kung magkaoon man, tiyak na ako pa rin ang susulatan ng traffic office, lalo na kung hindi pa na-transfer ang rehistro sa pangalan ng buyer.

Gaano karaming kababayan natin ang hindi agad naglilipat sa kanilang pangalan ng mga binili nilang second hand na sasakyan?

Kaya nga sa tingin natin ay tama ang panawagan ng LTO na suspendihin muna ng mga local government ang NCAP hangga’t walang klarong mga polisiya ang iiral sa iba’t ibang aspeto ng pagpapatupad nito.

Paging DoTR Secretary Jaime Bautista at mga local executives.

[email protected]