OPM

Rey, dalawang beses pinaiyak ng anak ni Dulce

April 12, 2023 Ian F. Fariñas 205 views

MANA pala sa ina ang isa sa mga anak ng tinaguriang “Asia’s Timeless Diva” na si Dulce.

Katunayan, sa ganda ng boses at husay kumanta ng bagets na si Abby, dalawang beses niyang napaiyak ang batikang singer-composer-hitmaker na si Rey Valera.

Sa mediacon ng collab concert nina Rey at Dulce na The Class of OPM kasama ang tatlo pang OPM greats na sina Boboy Garovillo, Jim Paredes at Marco Sison, ikinuwento ni Rey na kusa niyang ginawan ng kanta si Abby.

Gusto raw niya na direkta sa kanyang malaman ng press ang magandang balita.

“’Yung anak ni Dulce, ginagawan ko ng kanta ngayon. Bukas ang recording (ibig sabihin nu’ng Martes), pinadala ko sa kanya ‘yung kanta.

Kinanta niya sa cellphone. Pinakinggan ko pagbalik sa akin. Naiyak ako! Dalawang beses, eh!

“Magaling, ‘no? Magaling. meron siyang honesty, meron siyang ano, si Abby, ang pangalan niya,” dagdag pa ni Rey habang nakikinig si Dulce.

Nang sabihin ng huli na may balak gumamit ng screen name ang anak, sagot ni Rey, nakay Abby na ‘yon kung ano ang plano niya.

Basta, kuntento si Rey sa kinalabasan ng demo tape ng bagets.

Anyway, sa May 3 na sa The Theatre at Solaire gaganapin ang collaboration concert na The Class of OPM.

Maaasahan ang pag-perform nila ng mga sikat na OPM classic kasabay ng mga bagong production number na ngayon pa lang daw mapapanood ng publiko sa kanila.

Produced ng Echo Jham Entertainment in cooperation with Soroptimist, ang The Class of OPM is for the benefit of the Soroptimist International of the Americas Philippines Region.

Special guests sina Andrea Gutierrez, Elisha at VR Caballero sa ilalim ng direksyon ni Calvin Neria.

Available na ang tickets sa Solaire Box Office at Ticketworld.

AUTHOR PROFILE