Kiray

Kiray, P1M ang sorpresang birthday paandar sa ina

April 12, 2023 Vinia Vivar 222 views

May kakaibang gimik si Kiray Cellis nang bigyan niya ng sorpresang P1 million ang kanyang ina bilang birthday gift.

Sa ipinost na vlog ni Kiray sa kanyang Facebook, mapapanood ang effort niya para mabigyan ng surprise ang ina.

Inilagay na muna niya sa isang box ang P1M at pagkatapos ay nagpa-spelling competition sa kanyang ina at ama.

Ang premyo ay P20,000.

Ang nagwagi ay ang kanyang ina at pinapili ito ni Kiray kung kukunin ang P20,000 o ang mystery box na may P1M pero siyempre ay hindi niya sinabi kung ano ang nasa loob.

Pinili ng ina ang mystery box at ‘yun na nga, sa una ay helmet ang makikitang laman nito.

Ang hindi niya alam ay nasa loob ng helmet ang pera na, of course, ay nakita niya rin later.

Nagsisigaw sa tuwa ang ina ni Kiray nang makita ang pera at sabi ni Kiray, “’Eto na ‘yung pangako ko sa ‘yo, isang milyon para sa ‘yo.”

Ayon kay Kiray ay pinag-ipunan niya ang P1M na ‘yun na gagamitin ng ina sa pagpapagawa ng kanilang paupahang apartment.

Naging emosyonal ang aktres nang ikwento na akala niya ay sa June pa niya maibibigay ang pera pero nagawa niyang mas mapaaga pa ito.

“Kapag mayroon ka palang goal, tapos gusto mong maibigay agad, bibigay talaga agad ni Lord,” aniya.

Napaiyak din ang ina ni Kiray at labis na na-touch.

Aniya ay napakalaki talaga ng naitutulong sa kanila ng breadwinner na anak.

JANINE, TAGUMPAY SA PAGPAPAIKOT KAY ZANJOE

Tagumpay na si Mila (Janine Gutierrez) sa pagpapaikot niya kay Aidan (Zanjoe Marudo) dahil tuluyan na itong nahumaling sa kanya sa tumitinding mga eksena sa Dirty Linen, na napapanood gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z at TV5.

Handa nang panindigan ni Aidan ang tunay niyang nararamdaman para kay Mila matapos niya itong halikan at nangakong ipaglalaban niya ang kanilang relasyon kahit alam niyang tutol dito ang kanyang pamilya lalo na at kasambahay nila si Mila.

Pabor naman ito kay Mila dahil matagal na niyang plinano na mahulog ang loob ni Aidan sa kanya para makapasok siya sa pamilya Fiero at mabunyag kung ano ang kinalaman nila sa biglaang pagkawala ng kanyang ina.

Pero nanganganib ang relasyon ng dalawa dahil hanggang ngayon, wala silang kamalay-malay, maliban sa nanay ni Aidan na si Leona (Janice de Belen), na matagal nang hiwalay sina Aidan at ang ex-girlfriend nitong si Sophie (Elisse Joson).

Oras na lumabas ang katotohanan sa estado ng kanilang relasyon, magiging malaking gulo ito dahil umaasa ang mga Fiero kay Aidan na isara ang isang multi-million business deal kasama ang pamilya ni Sophie.

Hindi lang si Aidan ang tataya sa ngalan ng pag-ibig dahil handa nang isugal ni Mila ang lahat para lang sa hustisya kaya kailangan na rin niyang mag-doble ingat.

Delikado na rin kasi ang sitwasyon ni Mila ngayon dahil may posibilidad na masangkot siya sa kaso ni Lala (Jennica Garcia), ang kaibigan niya na naghihiganti rin sa mga Fiero at kasalukuyang iniimbestigahan ng mga pulis.

AUTHOR PROFILE