Chua

Rep. Chua: Napipintong paglobo ng MC taxis imbestigahan

April 5, 2024 Edd Reyes 131 views

GUSTO ni Manila 3rd District Congressman Joel Chua paimbestigahan sa Kongreso ang sa palagay niyang napipintong paglobo ng mga motorcycle (MC) taxis dahil sa kawalan ng batas na magre-regulate sa pinakabagong mode of transportation na lumalaganap na worldwide.

Binanggit ni Chua ang pagnanais na imbitahan sa pagdinig na kanyang ihahain ang Technical Working Group (TWG) ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sinabi ng mambabatas na nais niyang marinig mismo kay Teofilo Guadiz, hepe ng LTFRB, kung makatuwiran ang isinusulong na pagdaragdag ng bagong 8,000 MC taxis at apat pang kompanya na taliwas sa kanilang napag-usapan sa naganap na pakikipagpulong sa TWG na nagsasagawa ng pilot study nito.

“Iminungkahi ko sa DOTr at TWG na mas makakabuti kung magkakaroon ng moratorium habang nakabinbin pa ang diskusyon hinggil sa isyu ng pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila,” pahayag ni Chua.

“Bakit pa po kayo magdadagdag ng mga bagong motorcycle taxi sa Metro Manila, gayong napakalala na nga ng sitwasyon ng traffic? Bakit hindi ninyo ito dalhin sa ibang mga karatig siyudad at probinsya, kung saan sila higit pang makakatulong?´dagdag pa ng mambabatas.

Nagkaisa naman ang iba’t-ibang grupo ng stakeholders na ipanawagan na sa sa Malacanang na pakinggan ang kanilang hinaing at pangamba sa magiging masamang epekto sa kanilang hanapbuhay kapag dumami ng husto na lagpas na sa limitasyon ang MC taxi sa Kamaynilaan.

Kinuwestiyon din nila kung puwedeng magkaroon ng dobleng prangkisa ang isang kompanya tulad ng Grab na mayroon ng Move It.

AUTHOR PROFILE