Default Thumbnail

Raid ng GAB-CIDG sa POGO sa Pasay legal

January 22, 2024 Marlon Purification 273 views

Marlon PurificationKAUSAP ko ang ilang ahente ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na kasama ng Games and Amusement Board (GAB) sa isinagawang raid sa POGO sa Pasay City noong Disyembre 23 ng nakalipas na taon.

Medyo low morale sila kasi sa halip na papurihan sa pagganap sa tungkulin ay binabaligtad umano ang tunay na pangyayari.

Naniniwala tayong gumagamit ng maruming taktika ang mga banyagang nagpapatakbo ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa para makaiwas sa buwis na dapat nilang bayaran sa gobyerno.

Ito rin ang natuklasan ng GAB nang isagawa ang raid sa bisa ng Warrant to Search, Seize and Examine Computer Data (WSSECD) na inisyu ni Hon. Raquelen Abary-Vasquez, executive judge ng Regional Trial Court ng Pasay City.

Matapos mangalap ng ebidensiya ang Intelligence Division ng Criminal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), lumapit ito sa sala ni Hon. Raquelen Abary-Vasquez upang kumuha ng WSSECD No. 23-032, 23042, at 23-050 sa paglabag sa PD 1602 (Prescribing Stiffer Penalties for Illegal Gambling) laban kina Ryan Hao, Ely Chan, Ian Lim, Bao Ma, Raymond Tan at Noe Ming, ang may-ari ng Xing Yao Company na umuukupa ng 10 palapag na opisina sa HC Bay Hotel sa Pasay City.

Ang WWECD ay nagsilbing ligal na dokumento para masigurong tama at ayon sa batas ang gagawin pag-raid ng GAB/CIDG sa opisina nasabing POGO operator.

Noong Disyembre 23, kasama ang mga tauhan ng GAB, Anti-illegal Gambling Unit (GAB,AIGU), Digital Forensic Unit, Anti-Cybercrime Group (DFU,ACG) and Intelligence Division, sumalakay ang CIDG sa nasabing opisina sa HC Bay Hotel.

Isa sa mga opisyal na nanguna sa raid ay ang magiting na team leader ng CIDG na si Col. Jaffar Jansky na taas noong ipinaaabot sa madla na hindi magagawa ng kanyang team ang ibinibintang na ‘akyat bahay style’ na raid sa POGO sa Pasay dahil ang naturang operasyon ay legal at naipatupad ng maayos alinsunod sa itinatadhana ng batas.

Bago pa magsagawa ng pagsiyasat at pagkumpiska ng mga gamit ng natukoy na POGO operator, sinabi ng mga empleyado sa ni-raid na opisina na sila ay nagtratrabaho para sa Tritech Technology Corp, na may awtorisadong Internet Gaming License (ILG) mula sa Pagcor.

Ipinakita pa ng nasabing kumpanya ang kanilang Website Declaration Form mula sa Offshore Gaming Licensing Department ng Pagcor at mayroon silang website o Internet Gaming Platform (IGL) na https://mswebvip3.bettingcloud.com

Pero nang isagawa ng GAB/CIDG ang nasabing WSSECD sa mga computer devices ng Tritech, iba ang kanilang IGL kumpara sa ipinakita nila kanilang website declaration form.

Hindi maipaliwanag ng mga empleyado ng Tritech bakit ang IGL nila ay youguan8.cc/default.html#/d?id=ky at hindi ang nasa kanilang lisensiya.

Kinumpiska pa rin ng GAB/CIDG ang 200 unit ng desktop computer at peripherals, 5 CCTV, DVR, 200 piraso ng 50 Malaysian Ringgit at P2.6 milyon na pera. Naaresto rin ang 171 banyaga mula sa China, Malaysia, Vietnam at Myanmar. Ang kaso nila ay didinggin sa Pasay Prosecutors Office noong Enero 8.

Ang siste, may naglabasan report sa ibang media na iligal daw ang isinagawang raid ng GAB-AIGU, at sinisisi ang mga opisyal ng GAB sa nasabing raid.

Nakakuha kami ng kopya ng after-operation report mula sa PNP/CIDG at GAB-AIGU at maliwanag na ang pag-raid sa nasabing POGO operator at dumaan sa tamang proseso.

Hindi gumamit ng dahas ang GAB-AIGU sa nasabing raid at walang kinumpiskang personal na gamit ng mga empleyado kundi ang mga devices na nagsisilbing ebidensiya ng paglabag sa PD 1602. Lahat ng ebidensiya ay kinumpiska at may kaukulang resibo sa presensiya ni Barangay Kagawad Lezel A. Jaranilla at Barangay Ex-O Rommel G Gillego ng Barangay 76, Zone 10, Pasay City.

Paano natin mare-resolba ang iligal na operasyon ng mga banyagang POGO kung bawat legal na pag-raid sa kanilang opisina ay mai-spin ng mga operator ng sindikato.

Ang nangyayari tuloy, sa halip na rewards ang recognition, ang mga nagtatrabaho pa nating mga awtoridad ang binabaligtad ng ilang ‘spin doctors.’

Ngayon kung talagang may ‘sabit’ o ‘lapses’ sa isinagawang raid, mismong si GAB Chairman Atty. Richard Clarin ang dapat tanungin dahil sa prinsipyo ng ‘command resposibility.

Hindi iyong mga maliliit na ahente lamang ng GAB at CIDG ang pinagbubuntunan ng sisi na gumagawa lamang ng kanilang tapat na tungkulin sa bayan.