Posas

Pulis pinagtataga sa ulo, katawan; buhay

October 27, 2023 Melnie Ragasa-limena 196 views

INARESTO ng pulisya ang magkapatid na lalaki matapos umanong tagain ang isang pulis na sumita sa kanila dahil sa pambubugbog diumano ng isang motorista Huwebes ng gabi sa Novaliches, Quezon City.

Agad dinala sa Commonwealth Hospital ang 35-anyos na biktima na residente ng Phase 7 sa Barangay Sto. Cristo, San Jose Del Monte, Bulacan, para malapatan ng first aid.

Gayunpaman, nailipat na sa Philippine National Police Hospital ang biktima.

Kalaboso naman ang magkapatid na edad 29-anyos at 31-anyos na kapuwa residente ng Maligaya Park, Bgy. Pasong Putik, Novaliches, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon nina PCpl. Mark Jeneson Castillo at PCpl. Richard Erick Corpuz, nangyari ang insidente dakong alas 7:25 ng gabi sa panulukan ng Sampaguita at Malipaka streets sa Bgy. Pasong Putik Proper ng nabanggit na lungsod.

Nagpapatrolya ang biktima kasama ang isa pang pulis na si PSSg. Bryan Mirandilla bilang pagtitiyak sa seguridad sa lugar para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, nang magsumbong ang isang concerned citizen na may binubugbog na motorista ang 29-anyos na suspek.

Agad na rumesponde ang dalawang pulis at naawat ang suspek na umalis din sa lugar.

Subalit hindi inakala ng biktima na babalik ang suspek na may dalang patalim at tinaga siya sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.

Mabilis na tumakas ang suspek habang dinala sa Commonwealth Hospital ang biktima.

Sa isinagawang hot pursuit operation, natunton ng mga pulis na sina PSSg. Eugenber Paran, PCpl. Abner Perdigon, Pat. Marlon Bitoy at Pat. Geoderick Jim Marquez ang bahay ng suspek.

Dito ay pinagmumura at tinangka naman ng 31-anyos na suspek na harangin ang mga pulis na magaaresto sa nakababatang kapatid.

Nakuha rin ng mga pulis ang isang chopping kitchen knife na pinaniniwalaang ginamit ng 29-anyos na suspek.

Nahaharap sa kasong frustrated homicide ang 29-anyos na suspek, habang obstruction of justice at unjust vexation naman ang haharaping kaso ng kuya nito.