Posas

Kelot nagpaputok sa Crame arestado

October 27, 2023 Melnie Ragasa-limena 329 views

ARESTADO ang 50-anyos na lalaking naka-bisikleta matapos magpaputok ng baril sa loob ng headquarters ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame, Quezon City nitong Biyernes ng hapon.

Batay sa inisyal na report ng Quezon City Police District (QCPD) Cubao Police Station (PS-7), bandang 1:40 ng hapon (October 27) nang maganap ang insidente sa Bulwagang Lapu-Lapu, Camp Brigadier Gen. Rafael T Crame, sa lungsod.

Ayon kay PNP spokesperson, P/Col Jean Fajardo, pumasok sa Gate 2 ng kampo, ang ‘di pinangalanang lalaki na sakay ng bisikleta at pagdating ng Bulwagang Lapu Lapu ay bumunot ito ng baril at nagpaputok

Nang marinig ng mga pulis ang putok ng baril ay agad na nagresponde ang mga ito sa lugar at naaktuhan pa ang suspek na hawak ang baril kaya dinampot ito.

Idinahilan naman ng lalaki na ang ginawa niyang pagpapaputok ng baril ay bilang protesta sa umanoy korapsyon sa eleksyon

Nakuha sa kanyang pag-aari ang kalibre .22 revolver at dalawang bala

Dinala na sa forensic group ang lalaki para isailalim sa drug test bago itinurn-over sa PS- 7

Inihahanda na ang kasong illegal discharge of firearm laban sa suspek.

Inaalam na rin kung paano at kung ano ang idinahilan ng lalaki para makapasok siya ng kampo.