Kulong

Grade 12 nagnakaw ng palaman, kulong

October 27, 2023 Edd Reyes 242 views

KULONG ang kapalit ng pagkatakam sa tsokolateng palaman ng Grade 12 na lalaking estudyante, matapos niyang tangkaing ipuslit ito palabas ng malaking supermarket Huwebes ng hapon sa Malabon City.

Hinintay lamang ng security officer ng supermarket sa Barangay Tinajeros na lumabas ng establisimiento ang 26-anyos na si alyas “Rey” bago nila sakotehin, dahil sa pang-uumit ng mamahaling palaman dakong alas-5:10 ng hapon.

Sa tinanggap na ulat ni Malabon police chief PCol. Jay Baybayan, napansin na ng security officer ang kahina-hinalang ikinikilos ng suspek habang binabalik-balikan at sinusuri ang presyo ng Nutella chocolate spread, hanggang dumampot na ng dalawang bote at pasimpleng itinago hanggang lumabas ng supermarket.

Dito na siya dinakma ng mga security officer at isinuko kina PCpl. Jaypee Talay at PCpl. William Calingayan Jr. ng Malabon Police Sub-Station 2 na nagpapatrulya sa labas ng malaking mall.

Nabawi sa suspek ang dalawang botelya ng tsokolateng palaman na may kabuuang halagang P951 na kaniyang dinekwat sa supermarket.

Ayon kay Baybayan, kasong shoplifting ang isasampa nila laban sa suspek batay sa inihaing reklamo ng supermarket na kinakatawan ng admin officer ng establisimiento.

AUTHOR PROFILE