Default Thumbnail

Pulis na LGBTQ muntik ma-‘yuko’ sabay liko

June 9, 2023 Melnie Ragasa-limena 259 views

ARESTADO ang isang miyembro ng Philippine National Police (PNP) matapos umanong dalhin sa isang motel ang kapwa niya pulis na nakisabay lamang sa kaniyang sasakyan.

Nahaharap sa kasong “unjust vexation” ang 47-anyos na pulis na may ranggong Police Executive Master Sergeant (PEMS) matapos ireklamo ng isang policewoman na may ranggong Police Corporal.

Sa report ng Talipapa Police Station, nangyari ang insidente 10:30 ng umaga, Hunyo 8, 2023 sa isang motel sa Caloocan City.

Napag-alaman na parehong nakadestino sa isang police station ang suspek at biktima.

Bago umano mangyari ang insidente ay pumunta sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City ang dalawang pulis para sa kanilang Annual Physical Fitness Test (PFT).

Pabalik na diumano sa police station ang biktima at ang suspek nang tanungin ng suspek ang biktima tungkol sa relasyon nito sa kapwa niya babae. Napag-alaman na ang biktima ay miyembro ng LGBTQ (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer).

Niyaya din umano ng suspek ang biktima na pumunta sa Tagaytay upang doon kumain ng tanghalian ngunit tinanggihan ito ng biktima.

Habang pabalik ng police station ay sakay ang biktima sa sasakyan ng suspek. Ngunit sa halip na sa police station ay dumiretso umano ang suspek sa isang motel sa Caloocan City at niyaya ang biktima na mag check-in ng tatlong oras.

Mariing tinanggihan ng biktima ang suspek at tinawagan ang kaniyang pinsan para humingi ng tulong.

Nang mapansin ng suspek na may tinawagan ang biktima ay agad siyang nagmaneho pabalik sa police station.

Nang makakuha ng tiyempo ay tumalon ang biktima palabas ng sasakyan ng suspek at humingi ng tulong sa mga nagpapatrolyang pulis sa kahabaan ng Quirino Highway, Barangay Sangandaan.