Price hikes sinisi sa PPA taripa

February 20, 2022 Marlon Purification 481 views

MATAPOS hilingin ng National Economic Development Authority (NEDA) na suspindihin ang pagtaas ng taripa ng arrastre sa pantalan ng Tacloban, Ormoc, at iba pang mga lugar sa Eastern Visayas, inihayag ng Philippine Ports Authority (PPA) na maliit lang daw ang epekto nito sa presyo ng bilihin.

Magkagayunman, hindi masabi ng PPA kung bakit maliit lang ang epekto sa merkado, gayong umaabot ng 400% ang pagtaas ng taripa sa general cargo.

Base sa kalkulasyon ng Philippine Chamber of Commerce Inc. (PCCI) sa Tacloban, ang bagong taripa ay magreresulta sa pagtaas ng presyo ng mga kalakal tulad ng bigas, semento, asukal, harina, feeds at fertilizers.

Ang pagtaas ng bagong taripa ay umabot ng 50% para sa bigas, 572% sa semento, 83% sa asukal, at 412% para sa fertilizers at feeds.

Tataas ang halaga ng general cargo sa Tacloban ng average 198% o P242 milyon at nangunguna sa pagtaas ng taripa ay ang general cargo.

Ayos sa kalkulasyon ng PCCI Tacloban, ang dating ginagastos para sa general cargo katulad ng bigas, semento at feeds ay P122 milyon.

Dahil sa bagong taripa, ang gagastusin ngayon ay P365 milyon.

Ito ay nag-increase ng 198% o P242 milyon.

Ayon pa sa PCCI, ang makikinabang lamang sa kay taas-taas na taripa ay ang PPA, habang ang direktang maaapektuhan nito ay taumbayan mismo.

Nakasaad din sa position paper ng PCCI Tacloban na mariin nilang tinututulan ang paraan ng pagsasaayos ng taripa dahil ito ay di-makatwiran, labis-labis, at walang pagsasaalang-alang sa formula ng PPA Administrative Order 20-2019 na nag-uutos an i-base ito sa Consumer Price Index.

Sa sulat na pinadala ni PPA General Manager Jay Santiago sa NEDA Eastern Samar, sinabi niyang nakatuon din ang PPA na tiyakin na ang pagtaas (ng taripa) ay tatapatan ng kalidad na paghahatid ng serbisyo sa mga gumagamit ng pantalan sa kabila ng mahirap na panahon.

Subalit hindi kumbinsido ang PCCI na ang bagong Operator sa pantalan ay makakapagbigay ng mas mataas na kalidad ng serbisyo kaysa sa ibinigay ng dating Operator dahil ang mga kinakailangang pasilidad ay nasa lugar na at magagamit para sa cargo handling.

Ang pamumuhunan na inaasahan ng PPA mula sa bagong operator ng pantalan, kung mayroon man, ay hindi kailanman makakakapagbigay katwiran sa sobrang pagtaas ng 198% o P242milyon ng halaga ng mga bilihin.

Hirit pa ni Santiago, ang pagkaantala sa pagpapatupad ng mandato ng ahensya ay magtataas lamang ng mga gastos sa pantalan. Walang naman kakayahan ang mga manggagawa sa pantalan o mga operator na taasan ang singil sa serbisyo dahil tanging PPA lamang ang maaaring magpatupad ng pagtaas ng taripa.

Bukod sa Tacloban, hiniling din ng mga pantalan sa Zamboanga at Puerto Princesa na suspindihin ang pagtaas ng taripa na umaabot sa 700% ang tinaas.

Ayon sa Puerto Princesa Chamber of Commerce, posibleng maging triple ang pagtaas ng mga bilihin tulad ng asukal.