PPA hinaharang pagkolekta ng basura sa barko?

April 4, 2022 Erwin Tulfo 483 views

TulfoUSAP-USAPAN ngayon sa pier ang paghaharang daw ng Philippine Ports Authority (PPA) sa pagkolekta ng basura ng isang kumpanya sa isang barko ng US Navy na dumaong kamakailan sa ating bayan.

Bali-balita din na umaalingasaw na raw ang ilang tonelada ng basura galing sa USS Abraham Lincoln na dumating sa bansa noong March 25, 2022 dahil ayaw umano pumayag ni PPA South Harbor Manager Eligio Fortajada na ilabas sa pier para itapon na ang nasabing basura ng contractor na Northstar Shipping and Marine Services Inc.

Kung tutuusin nakakahiya sa ating bisita itong nangyayari diyan ngayon sa South Harbor at pinag-aagawan ang basura. Kung sabagay, may kasabihan nga tayo na “may pera sa basura”. Ang tanong, magkano kaya ang halaga ng basura ng mga Amerikanong sundalo at pinag-aawayan ng PPA at ng private contractor?

Base sa impormasyon na aking nakalap, kinuha ng US Navy ang Northstar Shipping and Marine Services Inc. ilang araw bago dumating ang USS Abraham Lincoln para kolektahin ang lahat ng basura ng naturang barko.

Ngunit, laking gulat na lamang daw ng Northstar dahil hinarang na ang kanilang mga trak ng PPA Police at ayaw na itong palabasin ng pier hanggat hindi ito nagpapakita ng Permit to Operate na galing sa PPA.

Pero ayon sa aking impormante, ilang beses daw sinubukan ng nasabing waste disposal company na mag-apply ng nasabing permit pero hindi raw ito inaaprubahan mismo ni PPA Manager Fortajada.

Ang dahilan daw ni Fortajada ay may accredited waste disposal contractor ang PPA base sa memo niya sa Northstar noong March 24, 2022.

Pero giit ng kumpanya hindi nila kasalanan dahil sila ang pinili ng mga Amerikano. Dagdag pa ng Northstar dapat bago pa dumating ang barko ng US Navy ay sinabihan na ni Fortajada ang US Navy na may contractor sila na kukuha ng basura.

Dagdag pa ng aking informant sa loob ng naturang ahensya, nakasaad sa PPA Administrative Order No. 09-2020 Section 8.83 o ang Implementing Guidelines on the Issuance of Permit to Operate na kapag port service providers, tulad nga ng Northstar Shipping and Marine Services Inc. hindi na kailangan mag-apply ng“permit to operate”sa pagkuha ng basura ng mga barko basta isang beses isang taon nya lang itong gawin.

Ilang sulat na raw ang pinadala ng kumpanya simula pa noong March 25 kay Fortajada para bigyan sila ng permit para mailabas na nila ang basura, ngunit nagmamatigas daw umano ang PPA Manager.

Ang problema ngayon mabaho at umaaalingsaw na raw ang nasabing basura dahil hi di ito makalabas at mahigpit na binabantayan ngayon ng PPA police 24-7 pa raw. Aba’y hindi lang siguro may pera dyan sa basura na yan… mukhang may ginto na yata na nakahalo dyan???!!!

Sinubukan kontakin ng aking staff si Ginoong Fortajada pero wala ito sa kanyang tanggapan dahil nag-iinspeksyon daw ito sa pier.

Hindi ito ang unang report na natanggap ko hinggil sa problema sa PPA. Isang sumbong din ang nakarating sa akin nitong Pebrero lang na sobrang mahal daw ang singil sa arastre o cargo handling ng isang contractor din ng PPA sa Leytenaman.

Nagrereklamo ang mga negosyante doon dahil tumaas bigla ang singil sa kanila ng nasabing arastre company sa mga kargamento nilang mga asukal, bakal, at bigas bagama’t bumabangon pa lamang sila dahil sa pandemya.

Ayon sa mga negosyante, mapipilitan silang ipasa sa kanilang mga customer o konsumer ang dagdag singil ng contractor ng PPA sa Leyte pier para hindi sila malugi.

Inilapit ko na rin kay PPA General Manager Jay Santiago ang problema at nangako ito na sisilipin ang nasabing problema. Pero halos dalawang buwan na ang nakalipas wala pa ring aksyon si Santiago.

DOTR Sec. Art Tugade, ano po ba ang nangyayari diyan sa PPA? Mukhangnaghahanda na po ba sila ng pabaon para sa sarili dahil pababa na sila sa pwesto?

Tanong lamang Sir…

AUTHOR PROFILE