Chiz sa Comelec: Maglatag ng plano sa brownout sa May 9 elections

April 4, 2022 Marlon Purification 212 views

Marlon PurificationNANAWAGAN si Sorsogon Gov. Chiz Escudero sa Commission on Elections (COMELEC) na maglatag ng contingency plan sakaling mawalan ng kuryente sa mismong araw ng halalan sa Mayo 9 at pati na sa panahon ng bilangan at canvassing.

Dahil kinakapos ng kuryente sa mga buwan ng tag-init, sinabi ni Escudero na hindi dapat magpabaya ang COMELEC dahil ang mangyayaring halalan, pambansa man o lokal, ay isa sa pinakamainit na labanan sa kasaysayan.

“Ang no-el na kinatatakutan natin ngayon ay hindi na yung ‘no elections,’ kundi yung ‘no electricity.’ Kaya gusto nating malaman ano ba ang plano ng COMELEC sakaling mawalan ng kuryente, lalo na sa labas ng Metro Manila. Hindi sapat na sabihin na may plano—ano yung plano? Ano yung protocol?,” ani Escudero.

Nauna nang nagbabala ang National Grid Corporation of the Philippines ng kakapusan ng suplay ng kuryente sa Luzon sa mga buwan ng tag-init dahil sa laki na rin ng demand. Ayon sa Department of Energy (DOE), tinatayang nasa 12,387 MW ang magiging peak demand sa Luzon sa huling Mayo, hamak na mas mataas sa parehong panahon noong nakaraang taon.

“Kaakibat ng pag-automate natin ng eleksyon, partikular ng counting at canvassing, ang pagdepende natin sa kuyente at teknolohiya. Kaya iyan ang isang bagay na napakahalagang i-secure tuwing eleksyon at bilangan. Ang DOE na mismo ang nagsabi na ‘di nila masisiguradong hindi magkaka-brownout sa May 9, so kung ganon, ano ang contingency plan ng COMELEC?” tanong ni Escudero.

Sinabi niya na napakaimportante para sa poll body na magpakita ng plano para maging transparent ito at mas tumibay ng kumpiyansa ng publiko sa automated elections.

Ang mangyayaring automated elections ay mangangailangan ng libo-libong vote counting machines (VCM), consolidation/ canvassing system machines, VCM external batteries, transmission devices, at generator sets.

Sa ganang akin, tama ang panawagang ito ni Escudero.

Tama naman talagang ngayon pa lang ay dapat may nakalatag nang contingency plan para maiwasan ang posibleng dayaan ngayon halalan.

Si Chiz nga pala ay kumakandidato ngayon bilang senador. Malaki ang tsansang makabalik uli ito sa Senado dahil pumapalo ang kanyang pangalan sa mga top 5 leading senatoriables sa mga survey ngayon.

Kailangan natin si Chiz sa Senado dahil magaling ito at tunay namang may nagagawa para sa bayan.

Good luck sa’yo, Keso!

***

Samantala, halos isang buwan na lang at May 9 elections na.

Kasado naman halos na lahat.

Kaya nga pati ang mga ‘demolition job’ ng iba’t ibang kandidato ay mapapansin na natin ngayon.

Lalo na sa mga kampo ng talunan dahil sa sobrang ‘frustration’ nito na makaangat sa lahat, lahat na ng uri ay paninira ay ginagawa na ngayon laban sa kanilang mga katunggali.

Tingnan si presidential frontrunner Bongbong Marcos, lahat na ng pang-aalipusta at paninira ay inaabot nito ngayon.

Isang klasik na halibawa riyan ay pati mga anak ni BBM ay idinadamay na sa maduming laro ng mga dilawan.

Mabuti maagap si television host Boy Abunda nang sabihing mali, malisyoso at hindi kailanman sinabi ni Vinny Marcos ang anumang paninira laban sa kanyang ama na si Marcos.

Si Vinny ay bunsong anak ni BBM.

Naglabas ng ‘fake news’ sa pamamagitan ng ‘maling quote card’ ang kampo ng dilawan.

Kahit si re-electionist Senator Migz Zubiri ay umaray din sa malisyosong fake news ng mga kalaban ni BBM. Binibigyang malisya ang diumano’y hindi pagpayag ni Marcos na itaas ang kamay nito ng erpat ni Migz na si Bukidnon Gov. Joe Zubiri.

“The truth is it’s just a simple miscommunication between my father and BBM on the sequence of events, which is that, after BBM speaks, he was supposed to wave the flag and then raise the hand of the local parties. Which he did, after he waved the flag,” pahayag ni Zubiri.

Isa pang kalokohan ng kampo ni Robredo ay maglabas ng tarpaulin na nakalagay ang ‘Vote Bongbong Marcos for President’ pero ang nakalagay na number ay 10, gayung number 7 si BBM sa balota.

Misleading uli dahil ang number 10 sa balota ay si Robredo at hindi si Marcos.

Ramdam na kasi ng mga dilawan na sa inidoro pupulutin si Robredo kaya lahat ng paninira ay ginagawa na ng kampo nito.

Sa ganang akin, naniniwala akong marami pang maglalabasan na fake news niyan. Kaya para sa ating mga kababayan, manatili po tayong mapagmagmatyag at mapanuri.

Kung sinong kampo iyong magaling gumawa ng kasinungalingan, tiyak sila rin iyong walang magagawang buti sa bayan.