Default Thumbnail

PNR, tigil operasyon sa Semana Santa mula Abril 6

March 28, 2023 Jun I. Legaspi 302 views

SIMULA Abril 6, Huwebes Santo, hanggang Abril 9, Linggo ng Pagkabuhay, pansamantalang ihihinto ng Philippine National Railways (PNR) ang mga biyahe nito bilang pangingilin sa Mahal na Araw at para sa taunang pagsasaayos at pagkukumpuni ng mga tren at ng mga riles.

Abril 10, babalik sa normal na operasyon ang serbisyo ng PNR, 4:00 ng umaga, ayon sa management.

Itinaon ng PNR sa Semana Santa ang taunang maintenance para hindi maka-apekto ang paghinto ng biyahe sa mga pasahero nito.

Mananatili ang regular na mga biyahe ng PNR mula Abril 1, Sabado, hanggang Abril 5, Miyerkules Santo.

Bilang paghahanda sa nalalapit na Semana Santa, naglaan rin ang PNR ng mga karagdagang tauhan at mga pasilidad upang masiguro ang ligtas at maayos na daloy ng operasyon.

Bukod sa mga dagdag PNR personnel, maglalaan din ng mga “Help Desk” sa bawat istasyon upang umagapay sa mga nangangailan, sa mga may katanungan, at tugunan ang anumang emergency situation.

Magtatalaga rin ng isang “nurse-on-duty” sa PNR Tutuban Clinic na handang tumugon sa mga pangangailangan, kagaya ng pagbibigay ng libreng konsulta sa pagkuha ng blood pressure at pagbibigay ng first aid, kung kinakailangan.

Naglatag din ng mga “track walkers” ang PNR na babagtas sa mga train tracks upang masiguro na ligtas itong madaraanan ng mga tren.

Mayroon ding mga PNR “quick response teams” sa Manila, Laguna, Lucena, at Naga na handang sumaklolo, kung sakaling kakailanganin.

Mahigpit ding ipatutupad ng PNR ang pagsunod sa health protocols alinsunod sa Executive Order No. 7 s.2022 kung saan papayagan ang boluntaryong pagsusuot ng face masks habang ipinatutupad ang minimum public health standards.

AUTHOR PROFILE