Plant Masayang nagpakuha ng larawan ang mga opisyales at empleyado ng Office of the Press Secretary (OPS) at Maynilad Waterworks Inc. bago isagawa ang tree planting activity na tinawag ng Plant for Life sa Ipo Dam sa Norzagaray, Bulacan.

Plant for Life ng Maynilad!

October 31, 2022 Marlon Purification 193 views

Marlon PurificationHINDI na natin alam kung ilang bagyo na ba ang humagupit sa Pilipinas.

Wala rin tayong eksaktong numero kung ilang milyong Pilipino na ang namatay dahil sa malalakas na bagyo at malalaking baha.

Basta ang nasisiguro ng lahat, unti-unti ay nagbabago na ang klima ng panahon sanhi ng climate change o global warming.

Totoong marami nang indibiduwal, organisasyon at pamahalaan mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang may adbokasiya para labanan ang climate change.

Kahit ang United Nations (UN) ay patuloy ang kampanya sa kamalayan ng global warming.

Dito sa atin sa ‘Pinas ay mismong ang Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. pa ang nagbanggit patungkol sa pabagu-bagong klima sa buong mundo.

Kaya nga lahat ng solusyon, progama at kampanya upang matugunan ang problema sa climate change ay sinusuportahan ng ating pamahalaan.

Nitong nakalipas na Biyernes, Oktubre 28, nagkaroon ng pagkakataon ang inyong lingkod na mapabilang sa Plant for Life ng Maynilad Water Services Inc.

Ang Plant for Life ng Maynilad ay isang tree planting activity na may layuning magtanim ng isang milyong puno ngayong taong 2022.

Taong 2007 pa inilunsad ang napakagandang programang ito ng Maynilad.

Makalipas ang 13-taon ay may 975,000 indigenous trees at mangroves na ang naitanim ng Maynilad mula sa kabuuang 704 ektaryang lupain at kabunkan sa Luzon.

Kasama ang mga kapwa ko opisyal sa Office of the Press Secretary (OPS) na sina veteran newsman, Director for Special Concerns Ben Rosario, Atty. Ansherina Paula Francisco at OPS General Services Division chief Atty. Tara C. Rama, dinaluhan namin ang makasaysayang ‘tree planting activity’ sa Ipo Dam sa Norzagaray, Bulacan.

Katuwang namin dito ang ilang empleyado ng OPS, partikular na sa GSD, Special Concerns at News and Information Bureau (NIB) at ang masisipag ding opisyales ng Maynilad at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS)

Sa kabuuan, umabot sa 93 kaming opisyales, empleyado ng OPS at Maynilad ang sama-samang nagtanim ng 400 puno ng narra, dungon, malaruhat at palosapis seedlings.

Bagaman umuulan (Biyernes din ng rumagasa ang bagyong Paeng sa Mindanao) na sanhi kaya naging madulas at maputik ang daraanan mula sa matarik na watershed site, hindi ito naging hadlang para maging masaya at produktibo ang aming aktibidades noong araw na iyon.

Salamat kina Maynilad’s corporate communications department head Jennifer Rufo; quality, sustainability, resiliency division head Atty. Roel S. Espiritu; sustainability department head John Emmanuel Martinez at public informations officer Madel Zaide.

Salamat din sa kanilang mga staff na talaga namang todo-alalay at pag-asikaso sa amin upang walang mangyari sakuna o insidente sa makabuluhang umagang iyon.

Kasama naming sa umakyat ng bundok si Atty. Claudine B. Orocio-Isorena, deputy administrator for administration and legal affairs ng MWSS Regulatory Office.

“The partnership between Maynilad and the OPS is very significant because we are aiming to plant our one-millionth tree this year. We won’t be able to reach this milestone without the help of volunteers like you,” ani Rufo.

“Dahil sa Maynilad, higit sa tubig ang aming serbisyo!” wika pa ni Rufo.

Sinabi ni Atty, Claudine Orocio-Isorena na kauna-unahang makatambal ng Maynilad at MWSS ang OPS para sa ganitong uri ng aktibidad.

Natutuwa aniya silang dumarami ang mga ahensiya ng pamahalaan na bukas palad na nagbibigay suporta sa kanilang programa.

Sakaling magbunga at mabuhay ang mga itinatanim na puno (sana maka-1 million na!) aabot sa 25,000 tonelada ng carbon emissions ang tiyak na mababawasan sa ating kapaligiran.

Tunay na dapat suportahan ang mga ganitong uri ng programa.

Batid nating ang pagtatanim ng puno ay isa lamang sa magiging sagot o dagdag solusyon sa pagtugon laban sa global warming na nararanasan na natin ngayon.

Ang global warming o climate change ay isang pabago-bago ng klima likha ng polusyon at iresponsableng paggamit sa kalikasan.

Ang malawakang pagbaha, lalo na ang pinakahuling naranasan natin sa pananalansa ng bagyong Paeng, ay dahil na rin sa mga nakakalbong kabundukan na nangyayari sanhi ng walang patumanggang pagtotroso, pagmimina, illegal quarry at kahit ang industriyalisasyon kung saan ay kino-convert ang mga kagubatan makapagtayo lamang ng mga esbalisimento, subdivision o kabahayan.

Marami ring sanhi ang malawakang pagbaha. Bukod sa bulok na istraktura o kahusayan sa ‘urban planning,’ malaking epekto rin ang walang patumanggang pagtatapon ng basura.

Kaya naniniwala tayong masyadong malawak ang giyera kontra climate change.

Ngunit nananalig din tayong sa maikling ambag nating lahat — una ang pagkakaroon ng disiplina at itong pagtatanim ng puno — ay malaking bagay na para simulan ang laban kontra global warming.

Kudos sa Maynilad at kaisa n’yo kami sa inyong Plant for Life!