Solomonic decision ni Commissioner Yogi

October 31, 2022 Allan L. Encarnacion 154 views

Allan EncarnacionKUNG mayroon mang hudyat na paparating na ang pinakaabangang Paskong Pinoy, iyon ay ang sunud-sunod na pagdating ng mga balikbayan boxes mula sa milyun-milyong OFWs na nakabase sa iba’t ibang bansa sa buong mundo.

Alam naman natin na ang laman ng mga balikbayan boxes ay hindi lang iyong mga de latang corned beef para kila nanay, alak para kay tatay, mga pabango para kila lola’t lolo, mga Adidas shoes para kay totoy, Barbie doll para kay Neneng; higit sa ano pa man, naglalaman ang kahon ng pagmamahal, dugo at pawis mula sa ating mga kababayan.

Ilang linggo na nating nakikita sa mga balita na abala ang Bureau of Customs sa pagpapadala ng mga balikbayan boxes sa mismong pintuan ng ating mga kababayan. Ngayon lang nangyari ito sa history ng ating bansa na isinama sa prayoridad ng BOC na maihatid sa mga pamilya ang abandoned balikbayan boxes.

Congratulations kay BOC Commissioner Yogi Filemon Ruiz sa first of its kind system na kanyang ipinatupad.

Ang daan-daang libong balikbayan boxes ay inabandona pala ng mga forwarders, shippers at mga broker kaya natengga nang matagal sa mga ports.

Ang naging sistema rito, tinanggap ng mga shippers mula sa United Arab Emirates ang mga balikbayan boxes ng mga OFWs. Natural na hindi ito libre dahil ang karaniwang bayad sa isang kahon na kahit anong timbang ay nasa US$100.

Pero hindi tumupad ang mga shipper mula sa abroad sa kanillang mga local or accredited partners dito sa bansa. Hindi nila nabayaran ang mga duties and taxes para maiproseso ang lahat ng mga dokumento.

Paano nga naman lalabas ang mga kahon kung walang kumakausap sa BOC at walang binabayarang obligasyon kaya hindi nating masisi ang Customs na ideklarang abandoned ang mga container vans na naglalaman ng mga balikbayan boxes.

Kaya nga tama lang ang Solomonic decision ni Commissioner Yogi na gobyerno na ang aako ng lahat ng obligasyon para mailabas ang mga balikbayan boxes at maipadala sa mga kababayan natin. Alam ni Commissioner na pinagpaguran ng mga manggagawa natin ito sa ibayong dagat tapos pinabayaan lang ng mga iresponsableng shippers mula sa UAE!

Seamless ito kaya magandang balita sa ating mga kababayan. Sa mismong pintuan nila ihahatid ng Custosm ang kanilang mga kahon na matagal na ring nabalam dahil sa kapabayaan ng mga shippers.

Sa tingin natin, ito ang kauna-unahang ginawa ng BOC na social responsibility na magkakaroon ng malaking impact sa ating mga kababayan at magkakaroon ng postibong pagtanaw ang publiko sa administrasyon ni President BBM.

Marami sa mga padala ng ating mga kababayan ay para talaga sa kanilang pamilya ngayong Kapaskuhan kaya sakto rin naman ang naging aksiyon ni Commissioner Yogi.

allanpunglo@gmail.com