Default Thumbnail

Pipi, bingi nangholdap para sa toma huli

October 5, 2022 Melnie Ragasa-limena 315 views

MAGKASAMANG nakulong ang magkaibigang “pipi” at “bingi” matapos umanong magtangkang mangholdap nang “mabitin” sa paginom ng alak sa Quezon City, Martes ng madaling araw.

Ang kanilang biktima ay residente ng Barangay Commonwealth, Quezon City.

Batay sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Batasan Police Station (PS-6), bandang 3:00 ng madaling araw (Okt. 4), nang maganap ang insidente sa Peacock St., Bgy. Commonwealth, sa lungsod.

Sa imbestigasyon ni PMSg. Bronson Saggot ng PS-6, sinabi umano ng interpreter ng mga suspek na nag-iinuman umano ang dalawa nang mabitin sa alak kaya umalis sakay ng motorsiklo.

Nalaman lamang ng interpreter na nangholdap na ang dalawa nang magreklamo ang biktima sa mga pulis na tinutukan siya ng patalim ng mga suspek saka puwersahang kinuha ang kaniyang cellphone.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang cellphone ng biktima na Vivo 11i na nagkakahalaga ng P7,000, kutsilyo at itim na Motorcycle Honda 110 na ginamit sa panghoholdap.

Inihahanda na ang kasong robbery hold-up laban sa dalawang suspek.