Default Thumbnail

Ginang binaril sa car wash patay

October 5, 2022 Melnie Ragasa-limena 344 views

DEAD on the spot ang isang babae matapos pagbabarilin habang naglilinis ng kotse ng kanilang kostumer sa isang car wash sa Quezon City, Miyerkules ng madaling araw.

Ang biktimang ginang ay isang car wash helper, may asawa, tubong Pampanga, at naninirahan sa, Novaliches, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 1:30 ng madaling araw (Okt. 5), nang maganap ang insidente sa Voenjho Car Wash, kung saan nakatira ang biktima.

Batay sa inisyal na imbestiasyon ni P/Cpl. Isaias De Pedro II ng CIDU, abala umano ang biktima at ang kasamang lalaki nito sa paglilinis ng sasakyan ng kanilang kostumer.

Maya-maya ay biglang sumulpot ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek na magka-angkas sa kulay pulang motorsiklo na armado ng baril at agad na pumasok sa carwash saka malapitang pinagbabaril ang biktima.

Sa takot ng kasama ng biktima ay nagtatakbo ito papalayo sa krimen upang humingi ng saklolo habang mabilis namang tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo.

Agad namang nagresponde ang mga tanod ng barangay at naisugod pa ang biktima sa Novaliches District Hospital, subalit idineklara na itong dead on arrival, bandang 2:35 ng madaling araw, ng attending physician, sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Sa pagsisiyasat ng SOCO (Scene of the Crime Operatives) team na pinamumunuan ni P/Capt. Eric Angay Angay, nakasamsam sila ng apat na limang basyo ng bala ng ‘di pa batid na kalibre ng baril sa pinangyarihan ng krimen.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga kapulisan sa motibo ng pamamaslang habang inaalam pa kung may naka-install na (closed-circuit television) CCTV camera sa pinangyarihan ng krimen upang matukoy ang mga salarin.