Piolo

Piolo at Janella, binulabog ang Lipa

December 11, 2023 Ian F. Fariñas 268 views

Piolo1JanellaAng saya-saya ng mga taga-Lipa City, Batangas dahil hindi nila akalaing makikita nila sina Piolo Pascual at Janella Salvador na nag-motorcade para sa promo ng pelikula nilang Mallari The Movie, entry ng Mentorque Productions in cooperation with Cleverminds, Inc. nitong Biyernes, Disyembre 8.

Pasado alas-dose ng tanghali dumating sina Papa P at Janella sa Hotel 1925 at pagkatapos magpahinga at kumain ay sumabak na sa motorcade bandang 2:30 p.m.

Hindi pa nakalalayo sa hotel ay maraming tao na ang kumaway at nagbibidyo sa dalawa.

Kasama nina Piolo at Janella sa float ang Mentorque producer na si John Bryan Diamante at supervising producer Omar Sortijas na masayang-masaya sa mainit na pagtanggap ng mga Batangueño.

Napaka-organisado ng isinagawang motorcade dahil hindi ito naging dahilan para magka-trapik-trapik sa mga kalyeng dinaanan.

Bagkus nagbigay pa ang mga sasakyan para pagbigyan ang mga pasahero na kumukuha rin ng bidyo at pictures nina Piolo at Janella.

Nakakatuwa dahil bawa’t daanan ay isinisigaw ang pangalang Piolo at Mallari sabay picture ulit sa aktor kapag napapalingon sa kanila.

In fairness kay Piolo, hindi nawala ang ngiti niya at panay pa ang kaway sa fans kahit tirik ang araw.

Pagkatapos ng motorcade, diretso na sa SM City Lipa para sa mall show.

Ayon sa aming napagtanungan, bago pa nagbukas ang mall ay mahaba na ang pila ng tao sa labas na nakita rin namin dahil nadaanan namin ito habang patungo kami sa Hotel 1925.

Grabe ang fans ni Janella tulad ng solong Janella, JoshNella Official Rizal Chapter, JaneNella Trendsetter. Talagang dumayo pa sila sa Lipa City para suportahan ang kanilang idolo.

Kaya naman, gulat na gulat ang aktres habang kumakanta dahil nakita niya ang supporters niya na walang tigil sa kahihiyaw.

Hindi naman nagpahuli ang fans ni Piolo na dumayo rin ng Lipa para suportahan ang kanilang idolo.

Nang tawagin ang pangalan ni Piolo, talagang nakakabingi ang hiyawan sa buong activity center ng SM Lipa.

Iisa ang sigaw na narinig namin habang nakahalo kami sa mga taong matiyagang nakatayo sa loob ng apat na oras: “I love You Piolo!”

Aliw lang dahil muli naming narinig ang katagang ito na unang narinig sa softdrink TV commercial kasama si Toni Gonzaga-Soriano, na noo’y baguhan pa lamang.

Very accommodating sina Papa P at Janella dahil lahat ng nagpa-picture sa kanila ay pinagbigyan nila. Sayang nga lang at hindi sila nakapunta hanggang dulo dahil may nakaharang na kiosk.

Patok din sa mga taga-Lipa ang iba pang guests tulad ni Ron Angeles, na nagtanggal pa ng jacket para ipakita ang katawan niya, Angelie Sanoy, Audrey Alquiroz, Tommy Alejandrino, ang mga bagets na sina John Ventura, James Clarence Fajardo, Ali Abatayo at host na si Inah Evans.

Ang Mallari The Movie ay mula sa direksyon ni Derick Cabrido sa panulat ni Enrico Santos.

Abangan ang Parade of the Stars sa December 16 na magsisimula sa Caloocan, Malabon, Navotas at magtatapos sa People’s Park sa Valenzuela City. RG

AUTHOR PROFILE