Rico Blanco

‘Pinoy Tayo’ ni Rico, theme song ng ‘PBB Season 10’

September 15, 2021 Ian F. Fariñas 582 views

Bukod sa pagbabago sa titulo ng kanta, angat din ang tunog Pinoy sa bagong areglo ng Pinoy Tayo mula sa music icon na si Rico Blanco.

Ito ang anniversary version ng makabayang awitin na Pinoy Ako na unang narinig taong 2005 mula sa bandang Orange and Lemons.

Ang remake ni Rico ang magsisilbing official theme song ng nalalapit na Pinoy Big Brother (PBB) Kumunity Season 10.

“It’s such an honor to do the song. Just what it stands for. The original version is so well-loved,” ani Rico. “This is a chance to rediscover it.”

Sa panimula pa lang ng kanta ay maririnig na ang etnikong tunog sa bagong Pinoy Tayo, komposisyon ni ABS-CBN Music Creative Director Jonathan Manalo, Clem Castro at Rico, na siya ring nagprodyus nito katulong si Jonathan bilang surpervising producer.

Idinetalye ni Rico ang naging inspirasyon niya sa paggawa ng bagong bersyon. “Tinanong ko ang sarili ko ‘ano ba ‘yung ako’ and I put in all the small elements that my songs had throughout the years,” pagbabahagi niya.

“Excited ako about that happiness na mabibigay ng kanta. It’s a very bright, upbeat song, and I kept that from the original version,” dagdag pa niya.

Samantala, bukod sa pagiging theme song ng PBB, nakatakda ring maging lead single ang Pinoy Tayo ng 25-track album na ilalabas ni Jonathan bilang pagdiriwang ng ika-20 taon sa industriya.

Hindi pa rin makapaniwala ang multi-awarded singer at songwriter sa naging tagumpay ng kanta bilang statement ng Pinoy pride at sa patuloy nitong pag-angat sa damdamin ng mga Pilipino mula sa iba-ibang henerasyon.

Samantala, para sa mga nagnanais maging Pinoy Big Brother Kumunity Season 10 housemate, maaari nang mag-audition ang may edad 20 hanggang 40 taon bilang adult housemates hanggang September 30.

Mag-download lamang ng Kumu app at gumawa ng iyong account.

Mag-upload ng one-minute Kumu clip, ipakilala ang sarili at sabihin kung bakit karapat-dapat maging housemate ni Kuya.

Gamitin ang hashtag na #PBBKUMUADULTS.

Mapapakinggan na ang Pinoy Tayo sa iba’t ibang music streaming platforms.

AUTHOR PROFILE