Paul Gutierez

Pinoy hospitality muling bumandera sa mundo!

April 15, 2024 Paul M. Gutierrez 82 views

WORLD-class talaga ang mga Pinoy pagdating sa pagiging matulungin sa kapwa, kaya naman paborito ang ating mga kababayang Overseas Filipino Worker (OFW) na kunin ang serbisyo ng iba’t ibang lahi.

Kamakailan ay muling kinilala ang kabayanihan ng isang OFW sa South Korea na si Monico Caranay na isang factory worker sa Busan, nang isalba nito ang kasamahang Koreano na aksidenteng nahulog sa isang malaking press machine sa pabrikang kanilang pinapasukan.

Sa mga ganitong insidente, kalimitang natataranta o nagpa-panic ang karamihan, ngunit ipinamalas ni Caranay ang “presence of mind” na agad pinindot ang switch upang mapatay ang naturang makina, na nagsalba sa buhay ng Koreano.

Lubos ang pasasalamat ni Jaebin Cho, sa lahat ng mga Pilipino, partikular siyempre kay Caranay, sa ipinamalas nitong kabayanihan.

“Thank you to the Filipino people in Korea, especially to Nicky (palayaw ni Caranay), who saved my life. I will never forget you in my life,” ayon sa isang pahayag ni Cho.

Kamakailan din, ilang Pinoy seafarers ang tumulong sa pag-rescue sa ilang dayuhan na-stranded sa kalagitnaan ng Mediterranean sea, na apat na araw nang walang pagkain at naubusan ng gasolina ang kanilang bangka.

Ayon sa chief engineer ng oil tanker vessel na si Sonny Sison na tubong Pangasinan, noong una ay balak lamang daw nila na i-report sa Italian Coast Guard ang sitwasyon ng stranded na mga dayuhan upang mgasagawa ng rescue operation.

Ngunit nang makalapit daw sila ay nag-unahan ang mga dayuhan sa ibinigay nilang pagkain at muntik nang tumaob ang bangka, kaya nagpasya na sila na sagipin na ang mga ito.

Ligtas at nasa maayos na kondisyon na nai-turn over ng mga Pinoy ang mga dayuhan sa Coast Guard sa Italy.

Natitiyak natin na marami pang mga katulad na kabayanihan ang nagawa ng ating mga kababayan, ngunit hindi na lamang napapaulat ang ilan.

Ibinabandera ang ganitong mga kaganapan upang ipakita sa buong mundo na buhay na buhay ang kaugalian na “Filipino hospitality” na“trademark” natin sa matagal na panahon.

Kaya sa halos lahat ng larangan, basta nangailangan ng manggagawa ang ibang lahi, unang hinahanap ay mga Pilipino. Bukod sa matulungin, likas na matiisin at masipag sa trabaho ang ating mga kababayan.

At kapag may nababalita tayo na minamaltrato o pinapatay na OFW, hindi natin maiwasan na magpuyos sa sa galit, dahil sa kabila ng mabubuting katangian ng ating mga kababayan, ay marami pa rin ang napapahamak at napupunta sa malulupit na employer.

Muli, mabuhay ang mga kababayan nating OFWs! Ipagmalaki natin ang mga Pilipino saan mang sulok ng mundo!

AUTHOR PROFILE