Default Thumbnail

‘Pinas nakahanda sa pagbisita ng UNSR

January 4, 2024 Paul M. Gutierrez 237 views

PaulPUSPUSAN na ang ginagawa nating paghahanda, mga kabayan, para sa pagbisita ni Ms. Irene Khan, United Nations Special Rapporteur (UNSR) on Freedom of Opinion and Expression ngayong Enero 23.

Masasabi nating “malaking karangalan” bilang executive director ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), na pangunahan natin ang paghahanda ng administrasyon para sa nasabing pagbisita na tatagal hanggang Pebrero 2.

Mismong ang UNSR ang nag-request na makabisita sya sa bansa, at ang PTFoMS naman ang “napisil” ng United Nations Human Rights Special Procedures, na pangunahan ang preparasyon sa pagdating ni UNSR Khan, matapos makansela ang orihinal niyang pagdating sa bansa noong nakaraang taon.

At tinatanggap natin ang “hamon” dahil nga ang PTFoMS ang tanging ahensiya ng gobyerno—at nag-iisa sa buong mundo—na “nakatutok” sa mga karapatan ng mga kasapi ng midya.

Ilan sa mga ahensiyang kasama natin sa preparasyon, noon pang isang taon, ang Presidential Human Rights Committee (PHRC), Philippine Information Agency (PIA), Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Justice (DOJ), Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang Anti-Terrorism Council Programme Management Council (ATC-PMC), katuwang ang NTF-ELCAC, mga ahensiya na nasa ilalim ng National Security Council.

“During my visit, I would be particularly interested in looking into the legal and policy frameworks concerning safety of journalists and their sources, freedom of opinion and expression in the digital age, media freedom and access to information, disinformation and hate speech, and freedom of expression and marginalized individuals, including indigenous peoples, among others,” bahagi ng pahayag ni Ms Khan.

Ilan sa mga nais bisitahin ni Ms Khan ang Baguio City at Cebu, kung saan nais niyang makipag-meeting sa ilang mga lokal na opisyal doon. Nais din niyang malaman ang sitwasyon ni Franchie Mae Cumpio, na kasalukuyang naka-detine sa Palo Provincial Jail sa Leyte dahil sa aktibo nitong papel sa lokal na teroristang grupo ng mga komunista.

Nais din ni Ms Khan na makipag-pulong sa House of Representatives partikular kay Speaker Martin Romualdez, gayundin sa Korte Suprema, sa Department of Justice, Commission on Human Rights (CHR), National Privacy Commission, National Committee on Indigenous Peoples (NCIP) at mga kinatawan ng iba’t ibang media organizations.

Inaasahan natin na sa pakikipagtulungan ng ating mga kasamahan sa gobyerno, ay magiging matagumpay ang pagbisitang ito ng UNSR– na maipakita natin ang masiglang estado ng pamamahayag sa bansa.

At siyempre, inaasahan natin na sa ginagawang “balikatan” ng mga ahensiya ng pamahalaan upang matiyak na maayos ang resulta ng pagbisitang ito, matutuldukan natin ang mga maling impresyon hinggil sa bansa na matagal nang ipinapakalat ng mga kaaway ng gobyerno na umaabot hanggang sa bulwagan ng United Nations.

Kumbaga, “transparency is the key,” tama ba, PHRC Usec. Severo Catura? Patunay rin ang pagdalaw na ito na malaki ang tiwala sa kakahayan ng ating ahensiya, na manguna sa mga ganitong aktibidad.

Good Luck sa ating lahat at mabuhay ang PTFoMS!

AUTHOR PROFILE