Default Thumbnail

Pekeng nurse nagbebenta ng COVID-19 bakuna, timbog

July 8, 2021 Edd Reyes 1089 views

DALAWA katao, kabilang ang isang babaeng nagpapanggap na nurse, na nagbebenta umamo ng COVID-19 bakuna ang dinakip ng pulisya sa isang entrapment operation Miyerkules ng gabi sa Pasay City.

Sa ulat ni Pasay City police chief P/Col. Cesar Paday-Os kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Jimili Macaraeg, isinagawa ang entrapment operation laban sa mga suspek na sina Michelle Parajes, 35, at Angelo Bonganay, 28, batay sa sumbong ni Dayrelle Esteban, 35, na nag-aalok ang dalawa ng alinman sa mga bakunang Pfizer, AstraZenica o Sinovac sa murang halaga sa pamamagitan ng social media.

Nang i-report ni Esteban sa pulisya ang ginagawang pagbebenta ng mga suspek, iniutos ni Col. Paday-Os kay Lt. Dennis Desalisa ang pagsasagawa ng entrapment operation na kaagad ding naikasa dakong alas-6 ng gabi sa isang bantog na fast food restaurant sa Roxas Boulevard, Bgy. 76.

Batay sa reklamo ni Esteban, humihingi ang mga suspek ng P50,000 na pang-unang bayad para sa 56 na vials ng bakuna na nagkakahalaga ng P120,000.

Nagpanggap namang buyer ang isang kagawad ng pulisya na nagkunwang bibili ng bakuna sa dalawa na naging dahilan ng pagkakadakip sa mga suspek.

Wala namang nakuhang bakuna ang mga pulis sa dalawa bagama’t napag-alaman na ginagamit ng mga ito ang social media para sa pagbebenta ng mga bakuna.

Nahaharap sa mga kasong paglabag sa Cyber Crime Prevention Act at Estafa/Swindling ang mga naarestong suspek sa piskalya ng Pasay.

AUTHOR PROFILE