Vic Reyes

PBBM, pipirmahan ngayon ang SB No. 2028 at HB No. 7535

February 25, 2024 Vic Reyes 90 views

MABILIS talaga ang pag-usad ng panahon. Sa darating na Biyernes ay Marso na, ang huling buwan ng first quarter ng taon.

Sa mga opisina, gobyerno man o pribado, ang accomplishments o achievements sa first quarter ay napakahalaga.

Diyan na kasi nila matatantiya kung maaabot ang kani-kanilang goals sa buong taon.

Sa kaso ng mga taga-Bureau of Customs (BOC), kailangan nilang makalikom ng monthly average na P83.5 billion buwis sa 2024.

Ito ay para maabot nila ang kanilang P1 trilyong assigned tax take sa taong ito.

Hindi “peanuts” ang halagang ito, lalo na’t bumabangron pa lang ang ekonomiya ng Pilipinas, na kagaya ng ibang bansa sa buong mundo.

Ito ay pagkatapos ng dalawang taong coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic na nagpalugmok ng world economy.

Isa ang Pilipinas sa pinahirapan ng COVID-19 pandemic dahil maraming nagsarang bahay-negosyo at maraming overseas Filipino workers (OFWs) ang nawalan ng trabaho.

Mabuti naman at unti-unti ng bumabalik ang sigla ng ekonomiya.

Ito ay bunga ng maraming socio-economic programs na inilunsad ng gobyerno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Macos Jr.

Naniniwala tayo na tuloy na tuloy na ang economic recovery natin.

Dahil dito ay nagiging abala na naman ang ating mga importador.

Sa totoo lang, magiging steady ang paglaki ng ating importasyon, lalo na pagpasok ng second quarter ng taon sa Abril.

Kapag lumaki ang volume ng import natin ay lalaki rin ang papasok na buwis at taripa sa kaban ng BOC na pinamumunuan ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio.

Tama ba kami, Finance Secretary Ralph Recto ng Batangas?

***

Noong Sabado, Pebrero 24, ay nagsimula na naman ang sikat na Panagbenga, ang taunang Baguio City Flower Festival.

Dinarayo ng foreign at local tourists, ang Panagbenga ay ang pangunahing atraksyon sa Northern Luzon tuwing tag-araw sa Pilipinas.

Ang malamig at kaaya-ayang panahon sa City of Pines ang pangunahing dahilan kung bakit napupuno ng tao and Baguio pagsapit ng summer.

Ngayon, lalo pang dumarami ang mga turista sa Baguio dahil sa “highly-popular” na flower festival.

Noong Sabado ay hindi lang taga-Baguio ang sumali sa street dancing parade sa syudad. Ang performers ay galing pa ng Pangasinan, Nueva Ecija, Ilocos Sur at Kalinga.

Sana magiging kaaya-aya ang bakasyon natin sa Baguio City, ang Summer Capital ng Pilipinas.

Congrats. Baguio City Mayor Benjie Magalong!

***

Lalagdaan na ngayong Lunes. Pebrero 26, ni Pangulong Marcos ang panukalang batas na magbibigay ng cash incentives sa mga matatanda na aabot sa edad na 80, 85 at 90 taong gulang.

Ang pipirmahan ni Pangulong Marcos ay SB No. 2028 at HB No. 7535 o ang “Act Granting Benefits to the Filipino Octogenarians at Nonagenarians.”

Ang senior citizens na aabot sa edad na 80, 85, 90 at 95 taong gulang ay bibigyan ng P10,000, habang ang aabot sa edad na 100 ay tatanggap ng P100,000.

Ang bagong batas ay naglalayong mabigyan na ng cash incentives ang mga taong aabot na ng edad 80.

Maganda ‘yan para pakinabangan pa ng mga elderly ang pera habang malakas-lakas pa sila.

Sa totoo lang, ang talagang nakikinabang sa 100k na incentive sa mga 100 pataas ay ang mga apo at anak na.

Ano pa ang silbi nito?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE