Default Thumbnail

PBBM: Pahalagahan ang mental health!

October 17, 2022 Marlon Purification 413 views

Marlon PurificationTAMA ang panawagan ng Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., na pagtuunang pansin ang usapin tungkol sa mental health.

Aniya napapanahong pag-usapan ang problema sa mental health dahil malaking problema ito hindi lamang sa ating bansa, kundi pati na rin sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa pagdiriwang ng World Health Day ngayong ika-10 ng Oktubre.

Ayon kay Marcos, tulad ng isyu sa climate change, kahirapan at kapayapaan, ang problema sa mental health ay isa ring seryosong isyu na dapat pag-usapan at tulungan.

“Ang kalusugang pangkaisipan ay nararapat na maging bahagi ng mga prayoridad na usaping pandaigdigan – kasama ng climate change, kahirapan at kapayapaan,” sabi ng Pangulo.

Nanawagan din si Marcos sa publiko na pagmalasakitan ang iba at magpamalas ng kabutihan sa iba lalo at marami ang nahirapan sa pandemya.

“Sa pinagdaanan nating krisis sa nakaraang dalawang taon, sinubok nang labis ang tatag ng ating isipan kaya’t ang pagmamalasakit at kabutihan sa kapwa ay kinakailangan ngayon higit kailanman. Maging maingat at suportahan natin ang isa’t isa,” dagdag pa ng Pangulo.

Sa ganang akin, napapanahong pag-usapan ang problema sa mental health.

Marahil ay sa sobrang pagiging abala nating lahat, hindi natin namamalayan na may ganitong uri ng problemang dinaramdam ang ilan nating kababayan.

Naniniwala tayong higit na tumaas ang bilang ng may problema sa mental health lalo na nitong nakalipas na pananalansa ng pandemya.

Kung tutuusin, hindi lamang problema sa kahirapan ang sanhi nito at iyong iba ay nangangailangan ng sinserong atensiyon ng mga mahal nila sa buhay.

Harinaway magkaroon ng isang kongkretong programa upang tugunan ang problema sa mental health.