Default Thumbnail

Mahina ang kaso vs anak ni Justice Secretary Remulla

October 17, 2022 Allan L. Encarnacion 880 views

Allan EncarnacionHINDI tayo abogado pero sa tingin ko ay madali namang idepensa ang kaso ng anak ni Justice Secretary Remulla na isinasangkot sa importasyon ng P1.3 million worth ng high grade marijuana.

Batay sa mga lumabas na balita, sinundan ng PDEA at Customs ang bagahe na nakapangalan at naka-address kay Juanito Remulla III. Ito iyong tinatawag na “controlled operation” o may koordinasyon na sa courier company tungkol patutunguhan ng package.

Sa mismong batang Remulla bumagsak ang bagahe na sinasabing hooded sweaters na may palaman palang prohibited items.

Kung ako si Juanito, puwede kong tanungin sa piskalya or kahit pa umabot sa korte: bakit ako magkakaroon ng criminal responsibility sa isang kontrabando na dumating sa aking tahanan at nakapangalan sa akin?

Una, hooded sweaters ang order ko kaya lehitimo iyong items at nakapangalan sa akin na nakalagay pa ang aking address.

Ngayon, bakit dumating ang bagahe na may kargang kush or high grade marijuana? Bilang si Juanito, wala akong maisasagot dyan dahil hindi naman ako gago na oorder ako ng droga at ilalagay ko pa ang aking address at pangalan. Kung talagang sa akin yan, puwede ko namang i-address sa ibang tao at peke ang pangalan na ilalagay ko!

Sino naman gago ang papatay ng tao tapos iiwanan pa ang kanyang calling card?

Para sa akin, hindi sapat ang ebidensiya ng PDEA para maipakulong ang batang Remulla kung bagahe lang ang magiging batayan ng kaso.

Naniniwala akong walang pundasyon ang kasong ito para makatayo sa korte kahit pa ipagpalagay natin na hawak ni Remulla ang bagahe nang dakpin ng PDEA.

Simple logic lang naman, kahit sino pala puwedeng gawin ito na magpapadala ng illegal items patungo sa bahay mo na nakapangalan pa sa iyo kahit wala kang kaalam-alam. Halimbawa, kung oorder ako ng jacket mula sa mga delivery apps at may taong gusto akong sirain, papalamanan ng shabu tapos tatawag pa ng kasabwat sa awtoridad para hulihin ako pag tanggap ng produkto. Ibig sabihin, kriminal na ako kaya dapat akong makulong?

Sa tingin ko kaya lang naging malaking isyu ito ay anak ni Justice Secretary Crispin Remulla ang inaresto pero sa totoo lang, mahinang kaso kung pagbabatayan lang ay ang bagahe na dumating sa kanyang address at nakapangalan sa kanya.

Tandaan natin, pora mahatulan ng korte ang isang akusado, lalo na sa ganitong klase ng krimen, ay dapat beyond reasonable doubt or wala man lang kahit kapirasong duda na guilty talaga ang inaakusahan.

[email protected]