Default Thumbnail

Mandatory ROTC para sa mga Kabataan at Bayan

October 17, 2022 People's Tonight 27180 views

RobinTAMPOK na usapin ang pagbabalik ng Mandatory ROTC o Reserve Officers Training Corps sa ating mga paaralan. Batid ko po na hati ang opinyon ng marami sa usaping ito, lalo na ang ilan na may agam-agam dahil sa maling implementasyon ng programang higit dalawang dekada na rin ang lumipas.

Bilang isa sa mga tagapagsulong sa Senado ng panukalang batas sa isyu na ito, buo po ang aking paniniwala na napapanahon na para ibalik ang kurso ng Mandatory ROTC sa kurikulum ng kolehiyo at technical-vocational courses sa pribado at pampublikong paaralan.

Kung may sasang-ayunan man tayong lahat, ito marahil ang kainaman na magkaroon ng malawak na pakahulugan sa disiplina at pisikal na kasanayan ang ating mga kabataan, at higit sa lahat, kamalayan sa kahalagahan ng pagiging makabayan.

Maganda ang layunin ng Mandatory ROTC sa ilalim ng ating inihaing panukalang batas na Senate Bill 236: una rito ang paglilinang ng sibikong kamalayan at paghahanda sa mga kabataan sa oras ng pangangailangan ng ating komunidad.

Lulan ng pagsasailalim sa komprehensibong ROTC ng ating mga kabataan ang malawig na pagpapahalaga sa patriotismo, mga moral na birtud, paggalang sa karapatan ng mga sibilyan, at pagsunod sa Saligang Batas.

Sa katunayan, makabuluhan ang papel ng ROTC sa kasaysayan ng bansa at paghubog ng kaisipan ng mga mamamayan.

Kung ating babalikan, naging tulay ang ROTC sa pagpapamalas ng kabayanihan ng ating mga kabataan. Sa kasagsagan ng ikalawang Digmaang Pandaigdig, malaki ang ginampanang tungkulin ng mga kadete ng ROTC mula sa iba’t-ibang bahagi ng Metro Manila. Ang mga volunteers mula sa Philippine Military Academy at iba pang yunit ng ROTC ang bumuo ng Hunters ROTC Guerilla, na naging bahagi ng kilusan laban sa mga panlulupig ng mga Hapon.

Totoo po na ang ROTC ay programang nilinang upang suportahan ang ating Sandatahang Lakas, ngunit kahit na walang banta ng digmaan, mahalaga ang makikintal na karanasan at kaalaman nito para sa ating mga kabataan.

Tandaan po natin: Habang mabigat ang tungkulin ng estado na bigyang proteksyon at serbisyo-publiko ang mga Pilipino, malinaw rin ang ating tungkulin at pananagutan bilang mamamayan: una na rito ang ating responsibilidad na ipagtanggol ang seguridad ng estado.

Malinaw ang sinasabi ng Saligang Batas ukol dito: Maaaring tawagin ng pamahalaan ang sambayanan upang ipagtanggol ang Estado, at para maisakatuparan ito, ang mga mamamayan ay maaaring atasang magbigay ng personal na serbisyo militar o sibil.

Ito po ang batayan ng Republic Act No. 7077 na nagtataguyod ng ROTC bilang isang programa na dinisenyo upang magbigay ng militar na pagsasanay sa mga estudyante sa kolehiyo bilang paghahanda sa pagtanggol sa bansa.

Gayunman, dahil sa maling pagpapatupad ng programa na nagdulot ng masalimuot na ulat ng abuso at krimen, inamyendahan ang RA 7077 ng RA 9163 o ang National Service Training Program (NSTP) Act of 2001. Sa ilalim ng bagong batas, mula sa pagiging “mandatory”, ang ROTC ay ginawang isa sa tatlong programa na maaaring pagpilian sa ilalim ng NSTP.

Ang mas malaking kahalagahan ng ROTC ay ang pagiging organisado ng ating mamamayan para tumulong sa oras ng sakuna tulad ng lindol o bagyo. Bukod sa military training, magkakaroon tayo ng organisadong pagtugon kung may disiplina at command structure na maaring matutunan sa ROTC.

Hangarin natin ang komprehensibong ROTC sa kurikulum na may sumusunod na salik: Pagsasanay sa external o territorial na pagtanggol; panloob na seguridad, kapayapaan, kaayusan at pampublikong kaligtasan; pagsasanay sa karapatang pantao at humanitarian law. Ang programa ay tututok rin sa Literacy Training Service; Civic Welfare Training Service Program; Emergency Life Support Training Service; Search and Rescue Training Program; at Community Service para sa Drug Rehabilitation.

Lahat po ng mga ito ay kapakipakinabang sa ating mga kabataan, kahit wala man ang banta ng digmaan. Lahat po ito ay para sa personal na paghubog ng disiplina at karakter ng ating mga anak; sa paghahasa ng potensyal ng bawat kabataan bilang aktibong kalahok sa ating kolektibong aspirasyon para sa makabuluhang pagbabago. Ni Robin Padilla

AUTHOR PROFILE