Default Thumbnail

PBBM namahagi ng ayuda sa Ecija farmers

April 27, 2023 Steve A. Gosuico 307 views

SCIENCE CITY OF MUÑOZ – Lumipad patungong Nueva Ecija si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. (PBBM) at pinangunahan ang pamamahagi ng iba’t-ibang klase ng ayuda para sa mga magsasaka bilang kabahagi ng programa ng Department of Agriculture (DA) sa pakikipagtulungan sa Philippine Center for Post Harvest Development and Mechanization (PhilMech) dito.

Sa kanyang talumpati, binigyan diin ng Pangulo na dapat palakasin ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng farm mechanization at modernization upang siguruhin ang food security ng bansa at kasabay na maisulong ang pag-unlad ng ating ekonomiya.

Sinabi din ng Pangulo, na tumatayong ulo ng DA ngayon, na sa Nueva Ecija, na tinawag na “Rice Granary ng Pilipinas” ay mayroong mahigit na 134,000 magsasaka na nagsisikap araw-araw upang masigurong mayroong naihahain at sapat na pagkain sa mesa ng bawat pamilyang Pilipino.

Sa kanyang pagdating, ang Punong Ehekutibo ay malugod na tinanggap nina City Mayor Baby Armi L. Alvarez, kanyang kapatid, Vice Mayor Nestor L. Alvarez, at PhilMech director Dr. Dionisio G. Alvindia.

Dumalo din sa nasabing okasyon na ginanap sa PhilMech headquarters nitong Lunes ng umaga sina Senadora Cynthia A. Villar, DA Senior Usec. Domingo F. Panganiban, Nueva Ecija Gov. Aurelio M. Umali, Vice Gov. Emmanuel Antonio M. Umali, at 2nd District Rep. Gilbert Joseph F. Violago.

Nasaksihan din sa programa ang paglagda ng Memorandum of Understanding (MOU) para sa Agriculture and Fishery Development Cooperation sa pagitan ng DA-Bureau of Agricultural Research at Agricultural Training Institute, at Kyungpook National University ng South Korea.

Ang mga magsasaka ng sibuyas na nakakuha ng ayuda mula sa DA ay ang Calancuasan Sur Farmers Association at ang San Vicente Alintutuan Irrigators Association na binigyan ng 20,000 bag-capacity na onion cold storage facility na may halagang P40-milyon bawat isa.

Bukod pa rito ang 120,000-bag capacity na pasilidad ng onion cold storage na iginawad ng DA sa bayan ng Bongabon at pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija sa pangunguna ni Gov. Umali na nagkakahalaga pareho ng humigit kumulang tig-P210 milyon mula sa Philippine Rural Development Project.

Personal ding iniabot ni Marcos ang sertipikong nagkakahalaga ng P5-milyon sa Makabagong Magsasaka Multipurpose Cooperative para sa pagpapatayo ng warehouse na may kasamang mechanical grain dryer.

Aabot naman sa P2.4-milyong tulong pinansiyal ang ipinagkaloob ng DA sa mga magsasaka ng New Magilas Primary Cooperative mula sa bayan ng Bongabon sa ilalim ng Enhanced KADIWA Financial Grant Assistance Program.

Hangad din ng pamahalaan na muling maibangon ang kabuhayan ng mga hog raisers sa pamamagitan ng Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion o “INSPIRE Program” na kung saan nakatanggap ng P5.5-milyong ayuda ang Try Me Agriculture Cooperative mula sa Lungsod Agham ng Muñoz.

Personal ding ipinagkaloob ng Pangulo ang tulong na P6.06-milyon para sa rehabilitasyon ng San Andres Small Water Impounding Project.

Iba’t-ibang makinaryang pangsaka naman ang ipinagkaloob ng PhilMech sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund Mechanization Program para sa mga magsasaka ng Santor Bongabon Agriculture Cooperative, Sanjosapma Pumping Irrigators Association, Inc. at Network of Responsible Citizens of Muñoz Agriculture Cooperative na nagkakahalaga ng kabuuang P15.97-milyon.

AUTHOR PROFILE