Edd Reyes

PBBM nagpamalas ng pagiging isang tunay na statesman

April 17, 2024 Edd Reyes 88 views

MARAMI ang nakapuna at humanga sa ipinapamalas na pagiging statesman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. nang magpahayag ng kanyang saloobin sa sinasabing gentlemen’s agreement sa pagitan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at President Xi Jinping ng China.

Maging ang mga patutsada sa kanya ng dating Pangulo ay sinagot din ng mahinahon pero may diin kaya lumabas ang kanyang kasanayan at pagiging respetadong lider ng bansa kahit pa nga batid na marami na pigil ang kanyang panggigigil sa isyu hinggil sa aniya ay sikretong kasunduan ng dating Pangulo at pinuno ng bansang China.

Sabi nga ng Pangulong BBM, hindi siya interesadong patulan ang mga tirada sa kanya ng dating pangulo ng sabihang iyakin o “cry baby” na isa ng personal na pag-atake laban sa kanya ni Tatay Digong nang ganapin ang trilateral meeting sa pagitang ng Pilipinas, Amerika, at Japan.

Sa halip kasing ipaliwanag mabuti ng dating Pangulo ang sinasabi niyang gentlemen’s agreement na sa tingin naman ni PBBM ay isang sikretong kasunduan, personal na pag-atake ang tugon ni Duterte at sinabi pang darating ang oras na magiging political enemy o mag-aaway sila ng Pangulo.

Batid naman natin na may kanya-kanyang opinyon ang bawa’t isa sa isyu sa pagitan ng dating Pangulo at ni PBBM at ang pagkampi sa sinuman sa dalawa ay kumporme na lamang sa kung kanino ka talaga naka-panig sa simula’t simula pa lamang.

Pero kung titimbanging mabuti ang bawa’t katagang binibitiwan ng dating Pangulo at ni Pangulong BBM, dito natin matatanto kung sino sa dalawa ang nagpapamalas ng pagiging respetado, may kasanayan at magaling na pinuno ng bansa.

Kung sabagay, kahit noong hindi pa naluluklok bilang lider ng bansa si Tatay Digong ay kilala na siya sa pagbibitiw ng maanghang, mapanakot at matalim na pananalita na may kahalo pang pagmumura. Pero dapat siguro, bilang isang abogado, sana’y binago niya ang pamamaraan ng pagbibigay ng pahayag kapag pang-internasyunal na isyu na ang pag-uusapan, lalu na kapag ang nakasalalay ay soberenya ng bansa.

Kailan nagiging legal ang ilegal?

HINDI lahat ng bawal ay ilegal dahil may mga nakalatag na paraan ang pamahalaan upang maging legal ang ilegal.

Halimbawa na rito ang paglikha ng ahensiya ng pamahalaan na magpapatupad ng panuntunan at regulasyon para payagang maging legal ang casino, lotto, karera ng kabayo, at maging ang Philippine Offshore Gaming Operator o POGO na batid naman ng lahat na lumilikha ng malaking perhuwisyo, hindi lamang sa gobyerno, kundi sa pamilyang Pilipino.

Pero dahil mas malaki ang pakinabang, hindi lang ng pamahalaan, kundi ng mamamayan na direktang natutulungan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Racing Commission (PRC) na mga ahensiyang nagpapatupad ng regulasyon, pinapayagang maging legal ang ilegal.

Kaya nga ito ang naging batayan ng Perya Industry of the Philippines Inc. (PIPA) para magpasaklolo sa Senado upang maging legal ang paglalatag nila ng sugal na drop ball, numbers at color games na karamihang parokyano ay mga kabataan.

Nagpalakas din ng kanilang loob ang sinabi ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na tutulungan sila kaya pinuputakti ngayon sa dami ng mga pergalan ang iba’t-ibang munisipalidad at lungsod sa lalawigan ng Batangas gaya sa Nasugbu, Lemery.Rosario, Lipa, San Luis, San Juan, Bauan, Calaca, at maging sa Alitagtag na naging bantog pa naman sa dami ng nasabat na shabu.

Siguro, kung ang panghuhuli sa ilegal na sugal ay may spot promotion din, tulad ng agarang pagtaas ng ranggo bilang Major ni dating Capt. Luis De Luna, Jr., ang hepe ng Alitagtag Municipal Police na nanguna sa pagsabat sa P13.3 bilyong halaga ng shabu, baka magkumahog din ang mga chief of police ng mga bayan ng Batangas sa panghuhuli, kahit hindi ito ipag-utos ni Police Region 4-A Director P/BGen. Kenneth Lucas.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE