Allan

Binay vs asawa ni Binay

April 17, 2024 Allan L. Encarnacion 137 views

SI Senadora Nancy ang pinaka-low profile sa mga magkakapatid na Binay.

Si Junjun naman alam ay na nating lahat ang naging istorya matapos ang kanyang termino bilang alkalde Si Mayor Abi naman ang alkalde ngayon ng Makati.

Matatapos na ang termino ni Mayor Abby sa 2025. Pinag-iisipan pa kung siya’y tatakbong alkalde ng Taguig City para kalabanin si Mayor Lani Cayetano matapos mawala sa kanila ang Embo barangays sa bisa ng desisyon ng Korte Suprema.

Pero sa Oktubre na ang filing ng COC, kung magdesisyon si Mayor Abby na kumandidato sa Taguig, obligado siyang mag-resign bilang alkalde ng Makati. Pero wala ring katiyakan kung magwawagi siya sa Taguig dahil mas malaka rin ang balwarte ng mga Cayetano.

At ang umuugong na kakandidatong alkalde sa Makati ay ang mister ni Mayor Abby na si 2nd District Congressman Luis Campos, Jr.

Si 1st District Congressman Kid Pena naman ay malamang ding kumandidatong alkalde sa Makati dahil alam niyang magiging freezone ang lungsod kung ang kalaban niya ay si Campos.

Pero nang minsang magpunta ako sa Senado, iba na ang biro ko kay Senadora Nancy. Dahil tapos na rin ang kanyang termino sa pagiging Senador, ang tawag ko na rin sa kanya ay Mayor Nancy. Si Junjun naman ay hindi pa makakatakbong alkalde dahil sa desisyon sa kanyang kaso.

Pero magkakampi naman si Senadora Nancy at Mayor Junjun kaya tiyak na hindi sila magkakalaban sakaling kumandidato si Senadora sa Makati.

Ang mas malinaw kung magkakatotoo ang senaryo, ang maglalaban-laban sa Makati ay sina Pena, Campos at Nancy.

Kung bukas na gaganapin ang eleksiyon, runaway winner si Senadora Nancy dahil nga siguro sa kanyang low key attitude. Ang ibig sabihin, magbabanggaan sa pagkaalkalde ang mister ni Abby at ang kanyang Ate Nancy.

Hindi ko lang alam kung totoo pa ngayon sa Makati ang kasabihang “blood is thicker than water” dahil asawa na ang pinag-uusapan dito.

Hindi rin naman puwedeng isantabi si Congressman Pena dahil “giant slayer” ito ng Makati dahil tinalo na nito si former Vice President Jojo Binay sa pagkakongresista. Kung hindi tutuloy si Senadora Nancy, sila Pena at Campos na ang maghaharap.

Hindi ko alam kung sino ang mas matimbang sa mga taga-Makati kung sina Pena at Campos ang maglalaban. Pero siyempre, ibang usapan na kapag nariyan si Senadora Nancy.

Kung si Mayor Abby naman ang pag-uusapan, tiyak na itong wala sa Makati politics dahil nga tapos na ang termino niya. Ang puwedeng puntahan talaga ni Mayor Abby sana ay ang Taguig City kaya lang mas malabo pa sa sabaw ng pusit na matatalo niya ang mga Cayetano doon.

Kung Senado naman ang takbo ni Abby bilang kapalit ng graduating na si Ate Nancy, hindi natin alam kung may espasyo pa para sa kanya dahil wala naman siya sa mga survey at napakasikip ng Senatorial combat sa 2025.

Kung iyong mga incumbent reelectionists nga ay nanganganib, siya pa kaya?

Konting panahon na lang naman ay magkakaalaman na kung ano ang magiging political scene sa Makati. Sa ngayon, nakatingin kay Mayor Nancy dahil iba rin ang karakter ng ale na ito pag dating sa pulitika dahil wala ring masamang tinapay kaya kakampi ng lahat.

[email protected]