Pamahalaang Lungsod ng Maynila, namahagi ng food packs
Mahigit 600 pamilya apektado ng ‘Karding’
NAMAHAGI ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pammuno nina Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto ng mga kahong naglalaman ng mga pagkain sa mahigit 600-pamilyang naaapektuhan ng malakas na bagyong “Karding” Lunes ng umaga sa iba’t-ibang evacuation center sa lungsod.
Umabot sa kabuuang 653 na pamilya ang napagkalooban ng food packs na pawang naglalaman ng bigas, noodles, sardinas, kape, gatas at inuming tubig na inihanda ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa pamumuno ni Director Re Fugoso bago sila ihatid sa kani-kanilang tahanan.
Nauna rito’y personal na binisita ni Mayor Honey Lacuna ang may 210 pamilya sa Baseco Evacuation Center sa Port Area na kabilang sa inilikas ng Pamahalaang Lungsod mula sa mga lugar na laging may peligro ng panganib sa tuwing may malakas na bagyong dumarating sa bansa bago siya nagtungo sa Isabelo Delos Reyes Elementary School sa Tondo kung saan niya pinangunahan ang pamamahagi ng food packs sa 74 na pamilyang pansamantalang inilikas sa kanilang tirahan.
“Bago po kayo umuwi, meron kaming ibibigay sa inyong food boxes tapos ang MDRRMO (Manila Disaster Risk Reduction Management Office) ay ihahatid kayo kaya huwag po kayong maiinip,” pahayag ng alkalde sa mga apektadong pamilya.
Nakahinga rin ng maluwag ang alkalde nang malaman na walang isa man ang nasawi o nasugatan sa mga apektadong pamilya na inilikas pansamantala at dinala sa iba’t-ibang mga evacuation centers.
Sinimulan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang paglilikas sa mga pamilyang naninirahan sa mga delikadong lugar o may peligro ng panganib Linggo ng hapon makaraang itaas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa Signal No. 4 ang Metro Manila Linggo matapos lumakas pa ang Super Typhoon Karding.
Bukod sa 210-pamilya sa Baseco Evacuation Center, may mga dinala ring 58 pamilya sa Benigno Aquino Elementary School; 85 pamilya sa Corazon Aquino High School; 17 pamilya sa Atienza High School; 70 pamilya sa Barangay 101 Covered Court; 74 sa Isabelo Delos Reyes Elementary School; 63 sa Barangay 105 Covered Court; 128 sa Barangay 128, Building 18; at 66 na pamilya sa Fugoso (Delpan) Covered Court na may kabuuang 653 pamilya o 2,598 na indibiduwal.