Default Thumbnail

3 sugatan sa banggaan ng crane, PNR train

September 26, 2022 Jonjon Reyes 438 views

NAWASAK ang kanang bahagi ng isang Philippine National Railways (PNR) na tren habang tatlo ang naiulat na sugatan, kabilang ang isang pasaherong matandang babae, matapos magbanggaan ang isang coach ng PNR at isang crawler crane sa Northbound lane ng Antipolo railroad track malapit sa G. Tuazon Street, sa Sampaloc Manila, Lunes ng umaga.

Isinugod sa Chinese General Hospital,ang pasaherong si Esperanza B.Mozo, 68, biyuda, at nakatira sa Bagtican St., Bgy San Antonio Village, Makati City; Ronnel Jay Bajaro, conductor ng tren, at Melfarzar Delos Santos, train operator ng PNR.

Base sa imbestigasyon ni P/Cpl. Eric Jay Despabiladero ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), naganap ang insidente ng bandang 8:35 ng umaga sa nabanggit na lugar.

Nasa northbound lane ang locomotive train nang pagsapit sa lugar ay masagi ang crawler crane na nagtatrabaho sa lugar.

Sa impact ay nasugatan ang tatlo at mabilis na isinugod sa pagamutan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng MDTEU kaugnay sa insidente para malaman kung sino ang may pananagutan sa naturang aksidente.

AUTHOR PROFILE