Default Thumbnail

Pakikilahok ng ‘netizens’ sa pagrepaso at paggawa ng mga batas

January 20, 2024 Marlon Purification 150 views

Marlon PurificationTUMPAK ang inihain ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na panukalang batas na magpapahintulot sa publiko na makilahok sa legislative process sa pag-amyenda o pagbalangkas ng mga bagong batas gamit ang online platforms.

“Sa ilalim ng panukalang ito, maaari silang lumahok sa legislative process – mula sa First Reading, Second Reading at Third Reading – sa pamamagitan ng crowdsourcing,” ani Estrada.

Sa isinumiteng Senate Bill No. 2344 o Crowdsourcing in Legislative Policymaking Act, ito ang magbibigay-daan sa mga indibidwal o grupo na makilahok sa crowdsourcing. Ang crowdsourcing ay isang makabagong paraan ng pag-uugnay ng taumbayan para sa isang pang-kalahatang layunin, pagtukoy at pagbibigay-solusyon sa iba’t ibang uri ng problema, pagbabago o pagpapabilis sa paghahatid ng mga serbisyo.

Sa pamamagitan ng social media o online portals ng Senado at ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO), maaaring mag-post o magsumite ang publiko ng kanilang mga opinyon o komento sa komite na tumatalakay sa isang panukalang batas.

Sa ilalim ng SB 2344, matapos maisumite ang isang panukala o pagkatapos ng First Reading, maaaring magpadala ng mga komento o suhestiyon ang publiko sa loob ng 15 araw at magiging bahagi ito sa talakayan ng komite. Kapag ang panukalang batas ay naiulat na sa plenaryo sa Second Reading, bibigyan ng tatlong araw ang publiko upang magsumite ng kanilang mga komento at sa Third Reading, mayroon ding tatlong araw ang publiko para magbigay ng kanilang opinyon.

Sinabi ni Estrada na sa kanyang panukala, ang PLLO website ay magbibigay ng online platform kung saan maaaring simulan ng publiko ang isang kampanya o petisyon para suriin, baguhin, o bawiin ang isang batas o lumikha ng isang panukala na maaaring ipasa ng sinumang miyembro ng kapulungan ng Kongreso. Ang PLLO ay magbibigay din ng online crowdsourcing feedback report upang ipaalam ang mga aksyon na ginawa.

“Noong kasagsagan ng pandemya, naging virtual ang lahat, pati ang pagpapasa ng batas at dito nakita natin na lumalahok ang mga resource persons sa mga pagdinig sa Senado o committee hearings,” sabi ng batikang mambabatas.

Ayon kay Estrada, makakatulong ito sa pagpapalawak ng saklaw ng Kongreso sa pagsaalang-alang ng mga opinyon, mungkahi, rekomendasyon, at pagtutol ng mga tao sa isang partikular na panukalang batas. Ito rin ay magbibigay ng karagdagang paraan upang matulungan ang mga mambabatas na bigyang prayoridad ang mga isyu at problema na kailangang tugunan, hanapaan ng paraan kung paano ito maso-solusyonan, at makakuha ng feedback ukol sa ipinatutupad na patakaran.

Sa ganang akin, napakagandang panukalang batas ito mula sa beteranong senador.

Naniniwala kasi tayong higit na ang mga simpleng mamamayang Pilipino ang nakararamdaman ng tunay inlaag pangangailangan sa pamahalaan.

Kaya kung mabibigyan sila ng pagkakataong ibigay ang kanilang suhestiyon, kuru-kuro at suhestiyon patungkol są panukalang batas, mas maganda ang magiging resulta nito.

Kung may tinatawag na public hearing, puwede itong twanging ‘netizens hearing’ na idinaan sa platform ng social media.